Calendar
Vargas kinondena pagpatay kay “DJ Johnny Walker”
MARIING kinondena ni House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D. Vargas ang karumal-dumal at walang habas na pagpatay sa radio broadcaster na si Juan Jumalon na mas kilala bilang “DJ Johnny Walker” ng 94.7 Calamba Gold FM.
Umaasa si Vargas na agad na mabibigyan ng hustisya ang sinapit ni Jumalon at madadakip sa lalong madaling panahon ang itinuturong salarin sa pagpatay sa nasabing radio broadcaster.
Binigyang diin ni Vargas na bagama’t karapatan ng bawat mamamahayag ang magkaroon ng kalayaan sa pagpapahayag ng kani-kanilang saloobin sa gobyerno man o sa mga opisyales ng pamahalaan. Subalit hindi umano katanggap-tanggap ang pagpatay sa ilang miyembro ng media.
Ayon sa House Assistant Majority Leader, deserve at karapatan ng sinomang kasapi ng media ang magpahayag ng kanilang opinyon at kuro-kuro patungkol sa isang partikular na usapin. Gayunman, ang mga pag-atake o pagpatay sa mga mamamahayag ay nakakabahala o nakaka-alarma.
Dahil dito, sinabi pa ni Vargas na kinakailangang kumilos agad at huwag magpatumpik-tumpik ang hanay ng Philippine National Police (PNP) upang mapangalagaan ang mga miyembro ng media laban sa mga ganitong pag-atake at mabigyan ng proteksiyon ang iba pang mamamahayag.
“Every journalist deserves the right to exercise their profession without fearing for their safety or their lives. Any attack or violence against members of the media is unacceptable and deeply troubling. Dapat siguro ay kumilos ang ating mga Kapulisan para mabigyan sila ng proteksiyon,” sabi ni Vargas.
Sinabi naman ni 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., na maging maingat din ang mga kasapi ng media sa pagpapahayag ng kanilang saloobin sa gitna ng panibagong pag-atake o pagpatay sa kanilang kabaro (DJ Jumalon) dahil mistulang “easy target” na lamang ang mga mamamahayag.