Vargas

Vargas nanawagan sa agarang pagsabatas ng pagtatag ng Phil. Center for Disease Prevention and Control

Mar Rodriguez May 24, 2023
171 Views

NAGING maigting ang panawagan ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Congressman Partick Michael “PM” D. Vargas para sa kaniyang mga kasamahang kongresista tungkol sa agarang pagsasabatas ng panukalang batas na nagtatag ng Philippine Centers for Disease Prevention and Control sa gitna ng pananatili ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Sinabi ni Vargas na para sa kaniya ay napakahalaga ang pagsasabatas ng House Bill No. 6522 na naglalayong itatag ang Philippine Centers For Disease Prevention and Control. Sapagkat sa kasalukuyan ay hindi pa naman talaga masasabi na wala na ang COVID-19 disease o virus sa Pilipinas.

Binigyang diin ni Vargas na saksi sila ng kaniyang kapatid na si dating QC Congressman at kasalukuyang Councilor Alfred Vargas sa paghihirap at pagdurusa ng mga Pilipino noong kasagsagan ng pandemiya dahil hindi lamang ito nagbigay ng matinding health crisis bagkos ay ginupo pa nito ang kabuhayan ng lahat ng mamamayan dahil sa ipinatupad na lockdown.

Dahil dito, ipinaliwanag ni Vargas na hindi maaaring maging kampante o magpawardi-wardi ang Pilipino sa kasalukuyan matapos ang mapait na leksiyong natutunan ng bans amula sa COVID-19 pandemic. Kung kaya’t ngayon pa lamang ay kailangan ng paghandaan ang pagsiklab ng panibagong health crisis.

“We serve as witnesses to the pain and suffering of our people during the pandemic. Filipinos will really find it hard to afford yet another wave of incalculable impacts in our health systems and economies. We cannot be caught off guard this time and better be prepared to protect our communities,” ayon kay Vargas.

Nabatid pa sa mambabatas na inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukalang batas sa Kamara de Representantes at nai-transmit na sa Senado noong nakaraang December 14, 2022. Kung saan, ang Senate version naman ay kasalukuyang nasa Second Reading mula noong April 2023.