Vargas

Vargas sa mga urban planner: Manguna sa kabutihan, malasakit

340 Views

NANAWAGAN si Quezon City 5th District Councilor Alfred Vargas sa mga kapwa nito urban planner na unahin ang kabutihan at malasakit sa kanilang mahalagang papel bilang mga tagahubog ng mga siyudad sa bansa.

Ang panawagan ay ginawa ni Vargas sa kanyang talumpati sa Recognition Rites ng University of the Philippines School of Urban and Regional Planning (SURP) sa Diliman, kung saan siya nagtapos bilang valedictorian ng klase sa Diploma in Urban and Regional Planning (DURP).

Si Vargas ay nakakuha ng pinakamataas na academic standing na may General Weighted Average (GWA) na 1.0288 at ginawaran ng Dean’s Medallion.

“This graduation is meaningless if we choose indifference over kindness, if we prioritize ourselves over others, or if we abandon our principles and the fight for what is right,” pahayag ni Vargas.

“Walang halaga ang ating pagtatapos kung hindi natin isasabuhay ang kabutihan at kagandahan ng loob. Simple pero totoo. Walang halaga ang lahat ng ito kung tayo ay mananatiling bulag at manhid sa mga nangyayaring kasinungalingan, katiwalian, pati na rin ang malawak na kahirapan.” dagdag pa ng konsehal.

Aniya hindi sapat ang kamay lamang kundi kailangan ang puso sa bawat gampanin, hindi rin aniya sapat ang technical na kaalaman o malalim na expertise para maging urban planner.

“Hindi sapat ang teknikal na kaalaman o malalim na expertise para maging urban planner—kailangan natin ng puso at malasakit,” giit ni Vargas.

Binigyang-diin ni Vargas na ang kabutihan ang ugat ng “malasakit, good governance, paninindigan para sa social justice, paggalang sa pagkakapantay-pantay, at pagkilala sa dignidad ng bawat isa.”

Maging sa pagharap sa mga malalang issue sa urban planning ay nangangailan din aniya ng kabutihan .

“Without kindness, we cannot find sustainable and inclusive solutions to the pressing challenges in urban planning—overpopulation, housing shortages, inadequate infrastructure, environmental degradation, traffic congestion, urban blight, resource scarcity, poor health and safety, substandard education, social inequality, and more.” paliwanag ng konsehal.

“Go beyond tokenistic public consultations. Genuinely listen to and empower diverse community voices, especially those often marginalized, in the planning process,” hamon ng konsehal sa kapwa niya nagsipagtapos.

Inihalimbawa ni Vargas ang kanyang karanasan bilang konsehal ng lungsod kung saan pinangunahan niya ang pagtatatag ng Quezon City Persons with Disabilities Affairs Office noong 2010.

Aniya, ito ay naitatag bunga ng kanyang pakikinig sa pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan.

Sa ilalim ng programa, nakapaglabas na ng mahigit 25,000 PWD IDs at nakapagbigay ng assistive devices sa halos 4,000 benepisyaryo.

Binanggit din niya ang pagsusulong ng mga ordinansa sa urban greening, na sa kabila ng paunang pag-aalinlangan, ay napatunayang nakatulong sa kalusugan at kalidad ng buhay ng mga residente ng Novaliches.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, nanawagan si Vargas sa mga bagong henerasyon na magsilbi sana silang simula ng bagong lahi ng mga Pilipinong urban planner na namumuno ng may kabaitan, kahusayan at dangal.

“Walang imposible at lahat ay kayang makamit kapag pinapairal natin ang kabaitan,” sabi ni Vargas.

Aniya, ang urban planning ay dapat magsilbing paraan para mabawasan ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan, at kinikilala ang likas na dignidad ng bawat indibidwal.

Hinikayat din niya ang mga kapwa nagtapos na lumabas at hubudin ang kanilang lungsod at rehiyon gamit ang isip at puso.

Bilang isang lingkod-bayan, aktor at iskolar, ipinamalas ni Vargas ang kanyang kakayahan sa mahigpit na 26-unit na programa ng DURP, na naghahanda sa mga mag-aaral upang harapin ang mga masalimuot na hamon ng urban at regional planning.

Ang kanyang tagumpay sa akademya ay patunay ng kanyang dedikasyon sa patuloy na pag-aaral—na dagdag pa sa kanyang Master’s degree sa Public Administration mula sa National College of Public Administration and Governance (NCPAG) ng UP Diliman noong 2021.

Sa kasalukuyan, siya ay kumukuha ng PhD sa Urban and Regional Planning sa SURP.