Calendar

Viado: Pagka-aresto ng suspek sa human trafficking bahagi ng utos ni PBBM na paigtingin kampanya vs illegal trafficking
PINURI ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang mabilis na pagkakaaresto sa isang pinaghihinalaang human trafficker na naharang ng mga opisyal noong Abril 19.
Ayon kay Viado, ang pag-aresto ay bahagi ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa human trafficking at ilegal na pagre-recruit.
Ibinahagi ni Viado na si alias ‘Andy’ ay nagtangkang iproseso ang ilegal na paglalakbay ng dalawang babaeng may edad 34 at 31 patungong Hong Kong sakay ng isang Cebu Pacific flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3. Nagpanggap silang mga turista na magbabakasyon sa Semana Santa.
Sinabi ni alias ‘Andy’ na kaibigan niya ang dalawang biktima, tinatawag silang kanyang ‘beshies’, at nagpakita pa ng iba’t ibang dokumento na umano’y patunay ng kanilang lokal na trabaho. Ngunit napansin ng mga opisyal ang hindi tugmang detalye sa kanilang mga pahayag.
Kalaunan, inamin ng tatlo na patungo talaga sila sa Cambodia matapos silang alukin ng trabaho bilang encoder at agent sa isang call center doon. Ayon sa mga biktima, ang kanilang pekeng dokumento ay ibinigay ng kanilang contact na nakilala nila sa Facebook.
Inamin din ni alias ‘Andy’ na hindi niya personal na kilala ang dalawang kasama at tumutulong lamang siya sa kanilang pag-alis habang nagpapanggap bilang kanilang kaibigan upang sila ay makalabas patungong Cambodia.
Ayon sa mga awtoridad, isa na namang malinaw na kaso ito ng mga biktimang ni-recruit upang pilitin silang magtrabaho sa scam hubs sa ibang bansa.
Matapos silang mahuli, itinurn-over ang suspek at ang kanyang mga biktima sa inter-agency council against trafficking (IACAT) para sa patuloy na imbestigasyon.
Ayon kay Viado, nakatanggap sila ng update na si alias ‘Andy’ ay naaresto noong Linggo ng Pagkabuhay matapos ang masusing imbestigasyon ng National Bureau of Investigation – International Airport Investigation Division (NBI-IAID).
Batay sa IACAT, ito na ang ika-13 pag-aresto ng isang human trafficker ngayong taon, na nagpapakita ng tumitinding pagsisikap na mapanagot ang mga nasa likod ng ilegal na paglalakbay.
“Nagpapasalamat kami sa IACAT at NBI-IAID sa kanilang matibay na dedikasyon sa pagtugis sa kasong ito hanggang sa dulo,” ani Viado. “Ang kanilang walang sawang pagsisikap sa pagbuo ng matibay na kaso laban sa mga trafficker ay hindi lamang nagbibigay ng hustisya sa mga biktima, kundi nagpapatibay rin sa ating hangarin na protektahan ang ating mga hangganan at pangalagaan ang mga mahihinang indibidwal mula sa pang-aabuso.”