Tugade

Viaduct ng LRT-1 Cavite PH1 kumpleto na

Jun I Legaspi Feb 14, 2022
524 Views

ANG pagkumpleto ng viaduct para sa Phase 1 (PH1) ng LRT-1 Cavite Extension ay nagpapatunay lamang na ang proyekto ay mas malapit na sa realidad, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade noong Lunes, Pebrero 7, 2022.

Sinabi ni Secretary Tugade ang pahayag habang nasaksihan niya ang pagtatayo ng huling hakbang para sa Phase 1 ng LRT-1 Cavite Extension Project.

“20 taon na ang nakalilipas, ang gobyerno ay nagkaroon ng pananaw na maglagay ng Cavite extension para sa linya ng LRT-1. Panaginip lang ito 20 taon na ang nakararaan,” sabi ni Secretary Tugade.

Malaking bahagi ang pagkumpleto ng proyektong ito sa pagtugon sa mobility, connectivity, at convenience para sa Cavite at sa katimugang bahagi ng Metro Manila, paliwanag ni Secretary Tugade.

“Para mabuo ang Phase 1 viaduct kung saan magbibigay ito ng ugnayan papunta sa Cavite at magbibigay ng mobility, connectivity, at convenience. Malaking bagay po ‘yan,” aniya.

“Ang pagtatapos ng Phase 1 viaduct ay pagpapakita natin sa bayan na ang proyekto ay totoo. Pinapakita natin sa bayan na ang proyekto ay paparating at matatapos na,” Ipinunto ni Secretary Tugade

Ipinahayag din ni Secretary Tugade ang kanyang pasasalamat sa lokal na pamahalaan ng Parañaque at Light Rail Manila Corporation (LRMC) sa aktibong pakikibahagi sa proyekto, at idinagdag na ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at pambansang pamahalaan ay nagpapatatag ng tiwala at tumutulong sa mas mabilis na pagkumpleto ng mga proyekto.

“Kung wala ang local government, walang mangyayari sa proyekto… Sa LRMC naman, dumating ang pandemya, hindi kayo huminto at tinanggap niyo ang hamon nang may mahusay na hakbang at mas higit na determinasyon. Tingin ko ay tama lang na saludo tayo sa LRMC,” dagdag nito.

Naantala ng halos 20 taon, ang 11.7 kilometrong LRT-1 Cavite Extension Project ay pinagsamang proyekto ng DOTr, Light Rail Transit Authority (LRTA), at LRMC. Magkakaroon ng walong (8) istasyon ang LRT-1 Cavite Extension Project at magdudugtong sa Baclaran sa Parañaque City hanggang Bacoor, Cavite.

Noong Disyembre 2021, ang kabuuang progresp ng Phase 1 ng LRT-1 Cavite Extension Project ay nasa 61.60%.

Kapag ito fully operational na, inaasahang babawasan ng proyekto ang oras ng pagbyahe sa pagitan ng Baclaran at Bacoor, Cavite sa 25 minuto na lang, mula sa kasalukuyang 1 oras at 10 minuto. Madaragdagan din nito ang kapasidad ng LRT-1 mula 500,000 hanggang 800,000 pasahero araw-araw.