Show time host

Vice Ganda, Anne at iba pang hosts ng ‘It’s Showtime,’ napaiyak matapos ang pirmahan sa GTV

Eugene Asis Jun 29, 2023
204 Views

Show time hostNAPAIYAK ang hosts ng ‘It;s Showtime’ Vice Ganda, Anne Curtis, Kim Chiu, Jhong Hilario, Ryan Bang, Ion Perez, Jackie Gonzaga, Amy Perez, Jugs Jugueta, Cianne Dominguez, MC, Lassy, at Teddy Corpuz matapos ang pormal na pagpirma ng executives ng ABS-CBN at GMA Network ang kanilang co-production agreement upang maipalabas ang “It’s Showtime” sa pangalawang free-to-air channel ng GMA na GTV tuwing tanghali simula Hulyo 1 (Sabado). Ginanap ang contract signing sa Seda Hotel Vertis at punumpuno ng pasasalamat ang mga mensahe ng hosts sa mga boss nila sa ABS-CBN at GMA at handa na silang makilala ang Kapuso viewers.

Mapapanood ang Kapamilya noontime show mula Lunes hanggang Sabado sa GTV channel 27 sa free TV, channel 15 sa TVplus, channel 2 sa GMA affordabox, channel 24 sa SKYcable, channel 11 sa Cignal, channel 6 sa GSat, at channel 24 sa Destiny cable mula Lunes hanggang Sabado.

“Maraming pong salamat sa pagtanggap sa ‘It’s Showtime’ at sa pagyakap niyo muli sa ABS-CBN. Thank you for your kindness, GMA. Nagpapasalamat din kami sa lahat ng ‘It’s Showtime’ hosts at sa buong ‘It’s Showtime’ family dahil hindi kayo bumitaw at hindi kayo sumuko sa pagbibigay ng saya at serbisyo,” sabi ni ABS-CBN president at CEO Carlo L. Katigbak.

“Sa pirmahan natin ngayong hapon with ABS-CBN, sa paglipat ng noontime program na very popular na ‘It’s Showtime [sa GTV], na mag-uumpisa sa July 1, at ‘yung mga nakaraan naming mga [partnership ng] ABS-CBN, siguro pwede na natin sabihin ngayon without any fear of contradiction na ‘yung kompetisyon o ‘TV war’ is finally over,” saad ni GMA chairman at CEO Felipe L. Gozon.

Ayon naman kay Vice Ganda, paghahandaan nila ang una at mga susunod na pagtatanghal dahil ayaw niya ng “puchu-puchu.’

Dumalo rin sa contract signing ang mga opisyal ng ABS-CBN na sina chairman Mark Lopez, COO for broadcast Cory V. Vidanes, at OIC for finance group Vincent Paul Piedad, samantala, ang mga kumatawan naman sa GMA ay sina president at COO Gilberto R. Duavit, Jr., executive vice president at CFO Felipe S. Yalong, at senior vice president for programming, talent management, worldwide, at support group, at president at CEO of GMA Films Annette Gozon-Valdes.

Labing-apat na taon na ang “It’s Showtime” at napasaya ng kanilang hosts ang madlang people sa pamamagitan ng kanilang kwela at trending segments. Anim na edisyon na rin ng “Tawag ng Tanghalan” na tumutuklas ng mahuhusay na mang-aawit na ang ilan ay mga sikat na. Ngayon, muli nilang binuksan ang kanilang pinto para sa dating contestants sa bagong format nito na “TNT Duets,” kung saan nagtutulungan ang duets para mabihag ang puso ng mga hurado. Patuloy naman ito na nagbibigay ng inspirasyon at kasiyahan sa pamamagitan ng mga kwento ng contestants sa iba’t ibang segments tulad ng “Mini Ms. U,” “Isip Bata,” at “Rampanalo.”

Kaabang-abang ito dahil muli silang magtatapat ng mga host ng dating “Eat Bulaga” na sina Tito, Vic and Joey sa bagong noontime show nito sa TV5. Bagama’t sister company lamang ng GMA ang GTV (o Good Television), it’s on the record na may mga show ang naturang free channel (GTV) na mas mataas ang rating kaysa sa ilang shows ng TV5.