Calendar
Villanueva: Di katatawanan kahit anumang uri ng kapansanan
HINIMOK ni Senador Joel Villanueva ang mga digital platform na kumilos laban sa mga content na nanghahamak sa mga taong may kapansanan, matapos umanong kutyain ng mga host ng isang podcast si Josh Aquino, na nasa autism spectrum.
Si Josh ang panganay na anak ni Kris Aquino. Binura na umano ang episode ng podcast na Machong Chismisan matapos ulanin ng batikos.
“Kahit saang anggulo po natin tingnan ang pangyayari, hindi po katatawanan ang anumang uri ng kapansanan, gaya ng autism,” ani Villanueva sa isang pahayag nitong Huwebes.
“Nakakagalit at nakakabastos! There is no room for this kind of behavior in our society and in the digital space,” dagdag niya.
“Bilang isang magulang, napakasakit pong marinig ang pang-aalipusta sa isang anak na may kapansanan,” sabi pa ng senador.
“Hindi na dapat bigyan ng plataporma ang mga kumukutya sa mga taong may kapansanan,” giit niya.
Para kay Villanueva, hindi sapat na burahin ang episode matapos ang gulo. Dapat daw ay malinaw na ang pamantayan ng mga production company at network bago pa umere ang isang programa.
“Sa mga creator at podcaster: may impluwensya kayo, kaya may pananagutan kayo,” aniya.
Paliwanag niya, kapag tinawanan ng mga creator ang kapansanan ng isang tao, libu-libong tagapakinig ang natututong gawin din iyon.
“Let me remind the hosts: hindi niyo ikina-macho ang mga pinagsasabi ninyo,” wika ng senador.
Ayon kay Villanueva, mahal si Josh ng kanyang pamilya at ng mga taong malapit sa kanya. Pero higit pa raw kay Josh ang usapin, dahil may ilan pa ring tumuturing sa kapansanan bilang biro.
“A nation does not get to call itself inclusive while its loudest voices treat disability as entertainment,” pahayag niya.
Ipinaalala rin niya sa mga digital platform na hindi sila basta tagamasid. Dapat daw silang kumilos laban sa mga content na nanghahamak sa mga taong may kapansanan, gaya ng inaasahan sa kanila na protektahan ang mga bata online.
Nauna nang humingi umano ng paumanhin ang isa sa mga host ng podcast sa mga nasaktan at sa PWD community. Inalis na raw nila ang episode at nangakong magiging mas maingat sa pagrepaso ng kanilang mga episode.

