Calendar
Villar isinulong pag-apruba ng pagbabawal sa ‘no permit, no exam’
HINIHIKAYAT ng isang Metro Manila Lady solon ang kaniyang mga kasamahan sa Kamara de Representantes na agarang aprubahan at ipasa ang inakda nitong panukalang batas na mahigpit na ipinagbabawal para sa mga paaralan at unibersidad ang pagpapatupad nila ng patakaran o polisiya patungkol sa “No Permit, No Exam”.
Sa pagpapatuloy ng session ng Kamara de Representantes (May 08), hinihiling ni Las Piñas Lone Dist. Congresswoman Camille Aguilar Villar sa mga kapwa nito kongresista na madaliin na ang pagpasa upang agad na maisabatas ang isinulong nitong House Bill No. 7584 o “An Act Elementary and Secondary Learners with Unpaid Tuition and Other School Fees to Take the Final Examinations on Good Cause and Justifiable Grounds”.
Nakapaloob sa panukala ni Villar ang pagbabawal sa mga paaralan sa elementary at high school kabilang na ang mga kolehiyo o unibersidad ang pagpapatupad ng “No Permit, No Exam policy”. Kung saan, iginiit ng mambabatas na kailangang pakuhanin pa rin ng examination ang isang mag-aaral kahit hindi pa ito nakapag-bayad ng kaniyang utang o matrikula lalo na kung makatarungan naman rason nito.
Gayunman, ipinaliwanag ni Villar na kailangan naman mag-execute o gumawa ng isang “promissory note” ang magulang o guardian ng isang estudyante na babayaran nito ang kanilang “outstanding financial obligation” o pagkaka-utang sa paaralan sa takdang panahon o bago matapos ang school year.
“Under the measure, private basic educational institutions shall adopt appropriate policies to accommodate and allow learners who due to emergencies, forces majeure and good cause or other justifiable reasons have unsettled financial obligations to take the scheduled periodic examinations,’ ayon kay Villar.
Binigyang diin ng mambabatas na sakaling tuluyan ng maisabatas ang kaniyang panukala. Papatawan ng kaparusahan ang sinomang paaralan o unibersidad na hindi tatalima sa itinatakda ng panukala.