Calendar
Source: Atty. Claire Castro’s Official FB Group
Vlogger, 24, na supporter ni PBBM, pinagbabaril, dedo
DEDO ang 24-anyos na vlogger na kilalang supporter ni Pangulong Bongbong Marcos habang sugatan ang kanyang kalive-in matapos silang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin Biyernes ng madaling araw sa Caloocan City.
Dead-on-the spot ang biktimang si alyas “Mima Alicia” residente ng Tierra Nova Subdivision Main, Brgy 171, sanhi ng tama ng bala mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo habang isinugod sa Camarin Doctors Hospital ang kanyang kinakasamang si alyas “Tapong”, 25,.na kasalukuyang ino-obserbahan sa tinamong tama ng bala sa bahagi ng katawan.
Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, pinasok ng dalawang hindi pa kilalang armadong salarin ang inuupahang bahay ng maglive-in partner sa Block 3 Lot-18B, Tierra Nova, Subdivision, Main Brgy.171 at dito sila pinagbabaril dakong alas-3:06 ng madaling araw.
Hinihinalang nakatakbo pang palabas ang mga biktima dahil sa kalsada na humandusay ang napaslang na biktima habang sugatan ang kanyang kinakasama. Isinugod ang lalaki ng may -ari ng inuupahan nilang bahay sa pagamutan matapos malaman ang insidente.
Nagsagawa naman kaagad na follow-up operation ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 9 laban sa dalawang suspek na tumakas, sakay ng isang motorsiklo subalit bigo silang madakip ang mga ito..
Hindi pa batid ng pulisya ang motibo sa pamamaslang habang nagsasagawa na ng back tracking at forward tracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth para sa posibleng pagkakakilanlan at pagdakip sa mga salarin.

