Calendar
Delivery rider, 2 bebot nagbenta ng P6.8M shabu sa pulis, kulong
ARESTADO ang delivery rider at dalawang bebot niyang kasabuwat matapos makuhanan ng mahigit P6.8 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation Biyernes ng madaling araw sa Makati City.
Ikinasa ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang operasyon dakong alas-3:42 ng madaling araw sa Kalayaan Avenue, Brgy. Singkamas makaraang makipag-transaksiyon ang 30-anyos na delivery rider na si alyas “Wewel” sa isang operatiba ng Makati Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagpanggap na buyer ng shabu.
Nakuha ng mga pulis sa suspek at sa dalawa pa niyang kasabuwat na sina alyas “Aiko” 20, at alyas “Aneng”, 33, ang tinatayang 1,010 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱6,868,000, ang markadong salapi na ginamit sa buy-bust operation, at ang sasakyan nilang gamit sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Sa inilabas namang pahayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, sinabi niya na sinumang nagnanais na kumita mula sa ilegal na droga ay agarang mananagot sa kapulisan.
“This operation sends a clear message: NCRPO will relentlessly pursue drug personalities through precise intelligence, disciplined enforcement, and full adherence to the rule of law. We will not allow illegal drugs to endanger our communities,” dagdag pa ni Aberin.

