Calendar

Vlogger ng fake news sa raid sa bahay ni Digong kinasuhan ng PNP
BILANG bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na itaguyod ang batas at protektahan ang digital public space sa bansa, lalo pang pinaigting ng Philippine National Police ang kanilang mga hakbang upang sugpuin ang pagkalat ng fake news at higit pang palakasin ang kampanya laban sa mga cyber-related crime at online disinformation.
Sinampahan ng kasong kriminal nitong Martes ng hapon ng Police Regional Office 11, sa tulong ng PNP Regional Anti-Cybercrime Unit 11, laban sa isang Davao City vlogger na nagkalat umano ng fake news na ni-raid ng pulisya ang bahay ni dating Presidente Rodrigo R. Duterte na ngayon ay nasa kustodya na ng International Criminal Court sa The Hauge.
Ang kaso ay isinampa sa Davao City Hall of Justice.
Ang reklamo, na isinampa ayon sa legal na proseso, ay dulot ng malinaw na paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code (Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances), kaugnay ng Section 6 ng Republic Act No. 10175, ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ang reklamo ay tumutukoy sa “fake news” tna diumano’y pinakalat ng vlogger ungkol sa isang operasyon ng PNP Criminal Investigation and Detection Group at Special Action Force kung saan maling ipinahayag na humigit-kumulang 30 tauhan ng CIDG at 90 SAF officers mula Luzon ang sumalakay sa tahanan ni Duterte sa Davao City noong gabi ng Abril 30.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng paglulunsad ng PNP ng Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC) sa pamumuno ni PNP Deputy Chief for Operations, Lieutenant General Robert T. Rodriguez. Ang JAFNAC ay isang inisyatiba ng PNP na naglalayong sugpuin ang sinadyang pagkalat ng disinformation at maling impormasyon sa iba’t ibang media platforms.
Binigyang-diin ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang matibay na posisyon ng organisasyon laban sa pang-aabuso sa mga digital platforms:
“Ang internet ay hindi ligtas na taguan para sa mga lumalabag sa batas. Ang sinumang gumagamit nito para manlinlang, maghasik ng kalituhan, o manggulo ay mananagot sa ilalim ng batas,” ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya.
Binigyang-diin din niya ang responsibilidad ng bawat mamamayan na tiyakin at ibahagi ang tamang impormasyon.
“Ang kalayaan sa pagpapahayag ay hindi ibig sabihin ay kalayaan na sa pananagutan. Magpapatuloy ang PNP sa pagsasagawa ng legal at matatag na aksyon laban sa mga gumagamit ng fake news upang guluhin ang kaayusan ng publiko,” paliwanag ng PNP chief.
Ayon kay Gen. Marbil, ang PNP, sa pamamagitan ng mga specialized units nito tulated ng Anti-Cybercrime Group ay nananatiling tapat sa pagpapalaganap ng kaligtasan ng mga digital landscape at titiyaking totoo at tama ang mga impormasyong kumakalat online.
Paalala din niya sa lahat: ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay hindi lamang iresponsable—ito ay may kaakibat na parusa sa ilalim ng batas.