VM Chi

VM Chi nagdiwang ng Pasko kasama batang lansangan, matatandang walang tahanan ‎

Edd Reyes Dec 26, 2025
183 Views

VM ChiSA halip na ipagdiwang ang araw ng Pasko sa piling ng pamilya, mas pinili pa ni Manila Vice Mayor Chi Atienza ang makisalamuha sa tahanan ng mga batang-lansangan at matatandang walang tirahan sa Marikina City.

Unang nagtungo si VM Atienza sa pasilidad ng Manila Boys Town Complex sa Narra Blvd. Barangay Parang, Marikina, kasama ang bantog na mascot ng Jollibee, upang bigyang kasiyahan ang 160-kabataan na nakahilera at nakikipag-high five habang inaabutan ng regalo at pagkain ng bise alkalde.

“Gusto ko happy kayo today. Kayo ang bida sa araw na ito. Sana mag-enjoy kayo sa munting handog namin. Basta lagi ninyong tatandaan, andito kami para sa inyo. Merry Christmas sa inyong lahat,” pahayag ng alkalde sa mga kabataan.

Sunod na tinungo ni VM Atienza ang pasilidad ng Luwalhati ng Maynila-Home for the Aged sa naturan ding complex na tinutuluyan ng 600 mga seniors upang isa-isang kumustahin ang kanilang kalagayan at makipag-kuwentuhan.

Naging emosyonal ang bise alkalde nang marinig ang kuwento ng ilan at sinabing nananatiling inspirasyon ang mga senior citizen na aniya ay nasa likod ng kanilang pagpupunyagi para sa serbisyo publiko.

“Napaka-special ng araw na ito dahil kasama ko kayo. Alam niyo naman na malapit ang puso ko sa inyo, at hindi kumpleto ang Pasko namin kung hindi namin kayo madadalaw,” sabi ni Atienza.

Ang pagkakawalay ng mga matatanda sa kanilang pamilya ay hindi aniya nangangahulugan na nag-iisa na lamang sila at nakaligtaan na sila ng kapitolyo ng bansa.

“Gusto naming iparamdam sa inyo na hindi kayo nakakalimutan. Mahal na mahal namin kayo ni Mayor Isko Moreno Domagoso, mga Lolo at Lola. Kayo ang dahilan kung bakit kami nagsisikap sa serbisyo,” sabi pa niya sa mga seniors.

Pinasalamatan din ni VM Atienza sa mga social workers, caregivers, at mga staff ng Home for the Aged na nagsa-sakripisyo at matiyagang pinagsisilbihan at pinangangalagaan ang mga matatanda sa loob ng maraming taon kahit sa araw ng Pasko.