japan vs china Nagbida si captain Sarina Koga sa pagposte ng malinis na 8-0 record ng Japan sa Volleyball Nations League. PNVF photo

Volleyball giants Japan, Argentina magtutuos

Theodore Jurado Jun 22, 2022
339 Views

SARIWA mula sa matagumpay na Week 2 ng Quezon City women’s leg, papagitna ang mga mahuhusay na manalalaro sa men’s side sa susunod na anim na araw sa pagpapatuloy ng Volleyball Nations League ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Haharapin ng Asian power Japan, na pangungunahan nina fan favorites Ran Takahashi at Yuji Nishida, ang Tokyo Olympic bronze medalists Argentina sa alas-7 ng gabi makaraan ang pagkukrus ng landas ng European rivals Slovenia at Netherlands sa alas-3 ng hapon.

Sasalang rin sa Week 2 ang Tokyo Games gold medalist France, European champions Italy, China at Germany.

Dadalhin ng Japanese, French, Italians at Germans ang 3-1 records sa Philippine leg, kung saan papainit na ang karera para sa pitong berths sa VNL Finals sa Bologna, Italy sa susunod na buwan.
Hawak naman ng Dutch at Slovenians ang magkakatulad na 2-2 baraha, habang tangan ng Argentinians at Chinese ang 1-3 marka.

Naglalaro naman ang wala pang talong United States at defending champion Brazil sa Sofia, Bulgaria kasama ng anim pang kopnan.

Natapos ang VNL women’s Quezon City leg Linggo ng gabi, kung saan napalawig ng Japan ang kanilang perfect run sa walo matapos ang 19-25, 25-16, 25-23, 25-12 tagumpay kontra sa Asian rival

China sa harapan ng mahigit na 6,000 fans sa Big Dome.

Mainit na tinanggap ng mga fans ang mga mahuhusay na women’s volleyball athletes ng mundo sa loob ng anim na araw, na inaasahang mangyayari rin sa men’s competition.

“I just want to say THANK YOU to the volleyball community in Manila! Everyone here has been so hospitable and encouraging! It was so much fun getting to play in front of these volleyball- loving crowds. Hope to be back!,” sabi ni USA middle blocker at Tokyo Olympics gold medalist Chiaka Ogbogu sa kanyang Twitter account.

Hindi natalo ang Americans sa apat na Quezon City matches kung saan binalasa ni legendary coach Karch Kiraly ang kanyang roster – na may halong rising stars sa pangunguna ni Ali Frantti at veterans na pinamumunuan ni Kelsey Robinson.

“You guys have been so welcoming, so supportive; like your fans are so unbelievable, and we appreciate your hospitality. So, really thank you so much from all of USA,” sabi ni Frantti makaraang talunin ng kanyang koponan ang Southeast Asian power Thailand.