Calendar

VP Duterte nakikinabang sa hindi pag-usad ng Senate impeachment trial — AML Acidre
SI Vice President Sara Duterte ang nakikinabang sa hindi pag-usad ng inihaing impeachment case laban sa kanya sa Senado, ayon kay House Assistant Majority Leader Jude A. Acidre ng Tingog Party-list.
Kasabay nito ay iginiit ni Acidre ang pangangailangan na papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno na umabuso sa kapangyarihan.
“And I think, to be honest, the one to benefit from this is the person in question, siyempre ang Pangalawang Pangulo,” ani Acidre bilang tugon sa isang tanong ng media sa isinagawang online press briefing nitong Martes.
Binalaan niya na hangga’t hindi kumikilos ang Senado sa impeachment case, mas maraming oras si Duterte upang makaiwas sa pagsusuri at pananagutan nito.
“Habang hindi po dinidinig ang impeachment trial, eh mas lalo hong nagkakaroon ng sense of impunity ‘yung pagkawalang, parang hindi sineseryoso ‘yung mga nakita naming mga krimen o di kaya mga pagkukulang doon sa Kagawaran ng Edukasyon at sa tanggapan ng Pangalawang Pangulo,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Acidre na nagawa na ng Kamara de Representantes ang kanilang bahagi sa pamamagitan ng masusing pagsisiyasat sa mga paratang laban kay Duterte at pagsigurong may sapat na ebidensya ang inihaing impeachment complaint.
“Sabi nga nila ‘di ba, justice delayed is justice denied, ‘di ba, at sa parte naman ng House eh, napakatagal na panahon ang ginugol natin sa pag-imbestiga sa mga pangyayari sa good government at kahit doon sa quad comm,” aniya.
Pinunto rin niya na hangga’t hindi umuusad ang paglilitis, mananatili sa dilim ang publiko tungkol sa lawak ng mga umano’y paglabag ni Duterte.
“Habang hindi nasisimulan natin ang mga pagdinig sa impeachment ay nananatiling katanungan at walang klaruhan ‘yung mga pinag-usapan namin sa good government,” sabi niya.
Pinuna rin ni Acidre ang hindi pagkilos ng Senado, na ayon sa kanya ay nagpapadala ng maling mensahe tungkol sa pangako ng bansa sa katarungan at pananagutan.
“I think in the end, no, ang tanong natin, sino ba ang nagbe-benefit sa delay na ito? Who stands to benefit from the delay?” tanong niya.
Hinimok niya ang Senado na itigil ang pagpapaliban at tuparin ang kanilang tungkuling konstitusyonal na buuin ang impeachment court at marinig ang kaso nang patas.
“At nakikita din natin kung gaano kahalaga sa ating mga kagalang-galang na mga senador, ang pagkaroon ng katarungan at makamit ang katotohanan sa mga pangyayaring ito,” aniya.
Dahil sa lumalakas na panawagan ng publiko, nanawagan si Acidre sa Senado na itigil ang pagkaantala at pahintulutan nang umusad ang impeachment trial.