Calendar
VP Sara ayaw pa ring maging accountable sa P612.5M funds at sa DepEd budget – Young Guns
PARA sa mga lider ng Young Guns ng Kamara de Representantes, ang hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability ay pagtakas sa kanyang responsibilidad at pananagutan sa paggastos ng P612.5 milyong confidential funds.
Ito ang sinabi nina Deputy Majority Leader Paolo Ortega ng La Union at Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales, matapos sabihin ni Duterte sa panayam ng media na hindi ito dadalo sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability sa Nobyembre 20.
Iniimbestigahan ng komite, na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua, ang umano’y iregularidad sa paggamit ng kabuuang P612.5 milyong confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023.
Ang pagtanggi ni Duterte na dumalo ay sa kabila ng personal nitong pagtanggap ng imbitasyon noong Miyerkules, habang nakikinig sa pagdinig ng House quad committee na dinaluhan ng kanyang tatay na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ayaw pa ring sumipot sa aming inquiry, kasi ayaw matanong, takot matanong. Ang kanyang pagtanggi ay bahagi ng kanyang strategy para iwasan ang responsibilidad at accountability para sa ‘di wastong paggamit ng pera ng taong-bayan,” ani Ortega.
Ipinaalala rin ni Ortega na hindi nanumpa ang Bise Presidente na magsasabi ng totoo at buong katotohanan nang dumalo ito sa unang pagdinig ng House good government committee.
“Kapag ang isang tao ay ayaw tanggapin ang simpleng oath para sabihin ang katotohanan, ibig sabihin hindi siya preparado para magsabi ng katotohanan at pawang katotohanan lamang. Kaya di namin siya tinanong,” sabi ni Ortega.
“Buti pa ang tatay niya, tinanggap ‘yung oath to tell the truth noong Miyerkules,” dagdag pa ni Ortega.
Naniniwala naman si Khonghun na iniiwasan ng Ikalawang Pangulo ang pagdinig ng Kamara dahil hindi nito kayang ipaliwanag umano kung papaano ginastos ang daang milyong confidential fund.
“Kung ano-ano ang kanyang alibi at excuse. True to form, binubudol na naman ang publiko. Nililihis ang usapan. Di na lang sabihin na ‘di kayang ipaliwanang ang ginawang pang-aabuso sa pondo ng bayan,” sabi ni Khonghun.
Kabilang sa iniimbestigahan ang paggastos ng Bise Presidente ng P125 milyong confidenital fund nito sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.
“Inubos ‘yung P125 million sa loob ng 11 araw. Gumastos sila ng P11.4 million bawat araw. Anong surveillance or spying activities ang ginawa nila, kung meron? Sino-sinong informant ang binigyan nila ng reward, kung meron? Bąka wala,” wika pa ni Khonghun.
Ipinunto naman ni Ortega na bahagi ng P125 milyong pondo ang ipinambili ng mga gamot at supplies na hindi pinapayagan ng panuntunan para sa paggastos ng confidential and intelligence funds.
Kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang ginawang paggastos sa P73 milyong bahagi ng P125 milyon at inutusan si VP Duterte at iba pang responsableng opisyal na ibalik ito sa gobyerno.
“Pinasasauli sa kanila ‘yung P73 million dahil sa di wastong paggastos,” sabi ni Ortega.
Noong 2023, ginastos ng OVP ang P375 milyong confidential fund o tig-P125 milyon kada quarter.
Sa P125 milyong pondo para sa unang quarter ng 2023, sinabi ni Khonghun na kinuwestyon ng COA ang paggastos sa P67 milyon o mahigit kalahati ng pondo, P62 milyon naman para sa ikalawang quarter, at P35 milyon sa ikatlong quarter.
“Ibig sabihin, paulit-ulit ang ginawang pang-aabuso sa pondo. ‘Yung di pinayagan na expenses ng COA noong December 2022, gaya ng pagbili ng medicines and supplies, ay inulit noong 2023. Siguro para lang maubos ang P375 million sa loob ng siyam na buwan,” dagdag pa ng solon.