Lorenz Defensor

VP Sara magmumukhang may itinatago, tumatakas sa pananagutan kung hindi haharap sa impeachment court — House prosecutor

20 Views

MAGMUMUKHA umanong may itinatago o tinatakbuhan ni Vice President Sara Duterte ang kanyang pananagutan kung hindi ito personal na haharap sa Senate impeachment court na lilitis sa kanya kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds at pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Malaking bagay ‘yun kung hindi ka magpapakita lalo na sa isang impeachment trial. Ibig sabihin may iniiwasan ka o may itinatago ka,” ani House Deputy Majority Leader Lorenz Defensor ng Iloilo sa panayam ng programang Bantay Balita sa Kongreso nina Isa Avendaño-Umali at Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB.

Pitong Articles of Impeachment ang inihain ng Kamara de Representantes sa Senado laban kay Duterte, kabilang ang umano’y iregularidad sa paggamit ng P612.5 milyong confidential funds sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) kung saan siya ay dating kalihim.

Kasama rin sa reklamo ang pahayag ni Duterte sa isang online press conference na mayroon itong kinausap upang patayin sina Pangulong Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung siya ay mamamatay.

Sinabi ni Defensor na ang impeachment trial ay isang pagkakataon para kontrahin ni Duterte ang mga alegasyon laban sa kanya.

“Hindi habol ng impeachment trial na ito na makulong ang Vice President, kundi binibigyan siya ng mabuti at magandang pagkakataon na mapawalang-sala ang sarili niya,” sabi ni Defensor.

“Kung maganda ang depensa niya at makumbinsi niya ang 24 nating senador na hindi siya nagkasala, this is the perfect opportunity for her to do so in front of live, in front of all the Filipinos,” dagdag niya.

Si Duterte ay kasalukuyang nasa The Hague, Netherlands, kung saan nakakulong ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, na lilitisin ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kinakaharap nitong kasong crimes against humanity.

“Talagang maiintindihan natin na dapat asikasuhin ng isang anak ang kanyang ama at mabuting pagkakataon din na ang dating Presidenteng Duterte ay mabigyan ng due process at fair trial sa ICC. Ngunit hindi ‘yun dapat na maging dahilan para pabayaan ang hinaharap mong isang impeachment trial,” sabi niya.

“Napakabigat ng pareho nilang kinakaharap na kaso. Hindi natin pwedeng gawing excuse ang nasa abroad ka, kasi pwedeng-pwedeng matuloy ang impeachment trial kahit wala dito ang Bise Presidente,” dagdag niya.

Maka-ilang ulit na ring nanawagan ang mga kongresista kay Duterte na ipaliwanag kung papaano ginastos ang confidential funds nito.

Kabilang sa mga red flag na nasilip ng Kamara ang mga kuwestyunableng pangalan ng mga tumanggap ng confidential funds, gaya nina Mary Grace Piattos, Renan Piatos, Pia Piatos-Lim, Jay Kamote, Miggy Mango at Xiaome Ocho gayundin ang ilang Dodong.

Walang nahanap na birth, marriage o death records ang Philippine Statistics Authority (PSA) para sa ilang mga pangalan, na nagdulot ng alarma tungkol sa mga pekeng identity at ang posibleng paggamit ng ghost recipients upang magpadala ng pondo ng bayan.

“Ang House of Representatives matagal nang naghihintay ng matinong sagot sa DepEd at sa OVP, simula’t simula pa noong mga committee hearings. Kung nasagot sana ito ng tama, naipaliwanag ito nang husto, hindi na lumalim at hindi na nagtaka ang taumbayan bakit may mga pangalan base sa kalokohan tulad ng mga Piatos na ‘yan,” sabi ni Defensor.

“Hindi dapat biro ang paggamit at paglatag ng ganyang pondo para sa taumbayan,” dagdag niya.

Bagaman sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi kinakailangan ang pisikal na pagdalo ni Duterte sa paglilitis, iginiit ni Defensor na ang pagdalo nang personal ay magpapakita ng respeto sa proseso at magdaragdag ng kumpiyansa sa kanyang depensa.

“Ang habol natin dito ay makita na ang isa bang mataas na opisyal ay karapat-dapat na manatili sa puwesto o dapat siyang maalis sa kanyang puwesto dahil sa kanyang mga pagkakamali, tulad ng pitong Articles of Impeachment na nakalatag sa aming impeachment complaint,” sabi ni Defensor.

Magpupulong ang Senado bilang impeachment court sa Hunyo 3, at naka-schedule ang pre-trial proceedings mula Hunyo 24 hanggang Hulyo 25.

Ang mismong paglilitis ay magsisimula sa Hulyo 30, dalawang araw pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos, ayon sa inilabas na iskedyul ni Escudero.