Senate

VP Sara magsisimulang litisin sa Hulyo?

11 Views

IMPEACHMENT ni VP Sara Duterte sa Hulyo gaganapin?”

Ito ang tanong na lumitaw matapos linawin ni Senate President Francis Chiz Escudero na ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ay inaasahang magsisimula sa huling bahagi ng Hulyo, dahil kailangan pa umano sundin ang mga itinakdang proseso bago magsimula ang pormal na pagdinig.

Tinanggihan din ni Escudero ang mga panawagang magpatawag ng special session upang mapabilis ang proseso, kung saan ay iginiit na may mga limitasyon ito sa ilalim ng Saligang Batas.

Ipinaliwanag ni Escudero na ang Senado at Mababang Kapulungan ay nag-apruba ng kalendaryong nagtakda ng adjournment noong Pebrero 5, at muling magbabalik sa sesyon sa Hunyo 2.

Gayunpaman, aniya ay hindi agad magsisimula ang paglilitis dahil sa mga kailangang dumaan sa tamang proseso.

“Wala kaming magagawa dahil hindi pwedeng simulan ang impeachment basta recess. Dapat mapag-usapan ang impeachment in open session. Babasahin ng house prosecutors ang impeachment sa plenaryo ng Senado. Ikalawa, kailangang aprubahan sa plenaryo ang rules of impeachment at pangatlo, in open session sumumpa ang mga senador bilang impeachment judges. Lahat ‘yan hindi pwedeng gawin kung recess,” paliwanag niya.

Ayon kay Escudero, kung maihahain ang summons kay Duterte sa Hunyo 4, may dalawang araw siya upang matanggap ito at sampung araw upang sumagot, na tatagal hanggang Hunyo 16. Ang mga House prosecutors naman ay may karagdagang sampung araw upang magsumite ng kanilang tugon, na posibleng magtulak ng proseso hanggang Hunyo 30.

“Matatapos ‘yan June 30 na, tapos na ang term ng doseng senador natin. Bilang Senate President, patuloy pa rin ang termino ko hanggang sa masunod ang rules at ma-elect ang susunod sa akin o papalit sa akin kung papalitan ako,” ani Escudero.

Dahil dito, sinabi niya na ang aktwal na paglilitis, kung saan tatanggapin at ipiprisinta ang mga ebidensya, ay magsisimula matapos manumpa ang mga bagong halal na senador. “Makaka-resume kami sa impeachment court sa July 29 na or possibly July 30,” aniya.

Upang mapabilis ang proseso, iminungkahi ni Escudero ang paggamit ng judicial affidavits bilang kapalit ng direct examination sa korte. “Sa tingin ko hindi sosobra sa tatlong buwan o dalawang buwan ang trial so by the time na mag-recess kami sa October 2025, tapos na ito at mapagbobotohan na,” dagdag niya.

Pinuna ni Escudero ang mabagal na pag-usad ng impeachment complaint laban kay Duterte sa Mababang Kapulungan, kasabay ng pagkwestiyon sa hindi pantay na aplikasyon ng pagiging agarang aksyon sa usapin.

Giit niya, hindi makatarungan na pilitin ang Senado na pabilisin ang proseso, gayong inabot ng ilang buwan bago kumilos ang Kamara. “Kung yun ang tingin nilang depinisyon ng immediately, bakit ibang depinisyon ng immediately na ni walang immediately sa Konstitusyon ang nakalagay ang gusto nilang ipataw sa akin?” tanong niya.

Binigyang-diin ni Escudero na susunod ang Senado sa tamang proseso at mga legal na precedent, sa halip na magpaimpluwensya sa panlabas na presyon. “In other words, they don’t have the moral nor the legal basis to ask for it,” iginiit niya.

Tinanggihan din ni Escudero ang panawagan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel na magtawag ng caucus upang talakayin ang impeachment, dahil hindi maaaring simulan ang paglilitis habang hindi pa muling nagbabalik sa sesyon ang Kongreso.

“Kahit na breakfast, lunch, dinner o meryenda caucus yan wala kaming pwedeng mapagkasunduan kaugnay sa pag-convene kung walang special session o hindi namin hihintayin ang June 2,” aniya.

Ipinaliwanag niya na ayon sa Saligang Batas, maaari lamang magpatawag ng special session ang Senate President kung hihilingin ito ng Majority Leader, Minority Leader, at House Speaker—at dapat ay para lamang sa “urgent legislation.”

“Pwede lamang magpatawag ang Senate President ng special session kapag hiniling ko sa Majority Leader at pumayag siya. Sa Minority Leader, kay Koko Pimentel at pumayag siya at kay Speaker Martin at pumayag siya pero para sa isang dahilan lang, urgent legislation. Ang impeachment ay hindi urgent legislation,” paliwanag niya.

Binalaan ni Escudero ang anumang tangkang ipalusot ang impeachment bilang isang agarang usaping pambatasan. “Anong gusto ninyo, magbulungan tayo kunwari may urgent legislation magpapa-request ako pero pag-usapan natin talaga ay impeachment. Yun pa lang mali na, hindi ba?” aniya.

Binigyang-diin ni Escudero na mahigpit na susunod ang Senado sa mga probisyon ng Konstitusyon na namamahala sa impeachment, at binigyang-linaw na may apat lamang na sitwasyon kung kailan maaaring awtomatikong mag-convene ang Kongreso: kung namatay, na-impeach, nagkaroon ng kapansanan, o nagbitiw ang Pangulo; kung hindi na makakaganap ng tungkulin ang Pangalawang Pangulo; kung idineklara ang batas militar o may digmaan; at upang bilangin at iproklama ang nanalong Pangulo at Pangalawang Pangulo sa halalan.

“Yun lamang ang apat na pagkakataon na automatic kaming magko-convene, hindi binanggit ang impeachment at iisa lamang ang pagkakataong pwede akong humiling ng special session, wala rin kinalaman ang impeachment doon at alam ni Sen. Pimentel yan kaya caucus ang hiniling niya,” ani Escudero.

Sa huli, iginiit ni Escudero na ang Senado ay hindi lilihis sa mga itinakdang patakaran upang matiyak na ang impeachment trial ay susunod sa tamang proseso at mga alituntunin pangkonstitusyonal.