Dalipe House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe

VP Sara posibleng maharap sa kasong katiwalian

126 Views
Sara1
Vice President Sara Duterte

Kung bigong maipaliwanag paggastos ng confidential, DepEd funds

MAAARING maharap si Vice President Sara Duterte sa kasong graft kung mabibigo itong ipaliwanag ang ginawang paggastos sa P73.2 milyong intelligence fund at P12.3 bilyong pondo ng Department of Education (DepEd) na sinita ng Commission on Audit (COA).

Kasabay nito ay hiniling ni House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe sa COA na maglabas ng pinal na ulat sa lalong madaling panahon hinggil sa mga kuwestyunableng paggastos ng naturang mga pondo gayundin ng rekomendasyon nito.

“More than just allegations of mismanagement, she may be held liable for graft, for possible violation of the anti-graft laws, if she cannot adequately explain and justify the adverse findings, and if the COA does not accept her explanations and justifications,” ayon kay Dalipe.

Batay sa mga ulat, sinabi ni Dalipe na ipinasosoli ng COA kay VP Duterte ang P73.2 milyong halaga ng confidential fund na bahagi ng P125 milyong confidential fund na naubos sa loob lamang ng 11 araw noong 2022 o paggastos na P11.36 milyon kada araw.

Sinabi pa ni Dalipe na hinihingan din ng COA si Duterte, bilang kalihim ng edukasyon, at iba pang mga opisyal ng DepEd na isauli sa gobyerno ang P12.3 bilyon para sa mga gastusin na pinagdududahan ang legalidad.

Ang bise presidente ay nagsilbing kalihim ng DepEd nang magsimula ang Marcos administration hanggang sa magbitiw noong Hulyo 19.

Sa pagsusuri ng COA sa P125 milyong intelligence fund ng Office of the Vice President (OVP), napansin ang ilang mga iregularidad, kabilang ang pagkaantala sa pagsusumite ng liquidation reports, mga hindi tamang petsa ng notarization, at bigong pagsusumite ng kinakailangang accomplishment reports sa mga kaugnay na opisina sa itinakdang panahon.

Sinabi pa ng lider ng Kamara na ang pinakamalinaw na isyu ay ang hindi maipaliwanag na disallowance, na umaabot sa higit sa kalahati ng mga confidential funds na ginamit ng OVP noong 2022.

“This raises serious questions about the propriety of how these funds were used. The fact that P73 million was flagged means that the public deserves answers. If the Vice President’s office cannot explain or rectify these discrepancies, this could lead to more than just administrative penalties. It could point to criminal liability for graft,” saad nito.

Ipinakita pa ng pagsusuri ng COA na ang liquidation ng confidential funds para sa 2023 ay patuloy na iniimbestigahan, na may dalawang Audit Observation Memorandums (AOMs) na inilabas para sa unang tatlong quarter.

Binanggit ni Dalipe na bagama’t wala pang naitalang notice of disallowance, ang mga AOMs ay nagpapakita ng mga malalaking kakulangan na kailangang isaayos upang maiwasan ang posibleng disallowances sa hinaharap.

Hinimok din ng kongresista ang mga kaugnay na ahensya, partikular ang COA at Kongreso, na may kapangyarihang magbantay sa pondo ng gobyerno, na seryosohin ang mga nabulgar sa pagsusuri sa mga intelligence funds ng OVP at mga gastusin ng DepEd.

Sinabi niya na ang pagsusuri at imbestigasyon sa mga paggastos ay dapat ipagpatuloy hanggang sa matukoy ang buong katotohanan

“No one, regardless of position, is above the law. If public funds were misused, we owe it to the Filipino people to hold those responsible accountable,” giit pa ni Dalipe.

Hiniling din sa COA na gumawa ng pinal na ulat na may kasamang rekomendasyon. Sinabi ni Dalipe na dati, kapag ang mga pampublikong opisyal ay hindi nagbabalik ng mga nakansela o hindi pinayagang gastusin, ang COA ay naguulat sa Office of the Ombudsman para sa karagdagang aksyon.

Kamakailan lamang, sinabi niya na isang alkalde ng bayan ang iniutos na tanggalin ng Ombudsman kahit na nagbayad ito ng bahagi ng mga gastusing itinuturing na hindi awtorisado ng COA.

“So I am asking the COA to submit its final report to the Office of the Ombudsman and Congress ASAP. Its rules should apply to all public officers, regardless of rank,” saad pa nito.

Batay sa ulat ng COA sa DepEd para sa 2023, ang huling buong taon na pinamunuan ni VP Duterte ang ahensya, naglabas ang COA ng mga notice of suspension na umaabot sa P10.1 bilyon, mga notice of disallowance na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon, at mga notice of charges na nagkakahalaga ng P7.38 milyon dahil sa paglabag sa umiiral na mga batas at regulasyon.

Sinabi ng COA na inatasan nito ang pamunuan o mga opisyal ng DepEd na pinamamahalaan ni Duterte na ibalik ang mga pondo at pumayag silang gawin ito.

“We recommended, and the management agreed, to cause the immediate settlement of the suspensions, disallowances, and charges in accordance with the revised RRSA (Rules and Regulations on Settlement of Accounts),” ayon sa ulat ng COA.