Sara

VP Sara tinanggap imbitasyon sa House confi fund investigation

24 Views

Personal na tinanggap ni Vice President Sara Duterte ang imbitasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng kanyang paggastos sa P612.5 milyong confidential fund ng Office of the Vice President at Department of Education noong 2022 at 2023.

Ang imbitasyon ay iniabot kay VP Duterte na pumunta sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes noong Miyerkoles kung saan dumalo ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng mga kaso ng extra judicial killing sa madugong drug war ng nakaraang administrasyon.

Nais ng House Blue Ribbon Panel na malinawan ang naging paggastos ng Bise Presidente sa confidential fund na siya at ilang malalapit na tauhan lamang ang nakakaalam.

Itinakda ang imbestigasyon sa Nobyembre 20 ay naglalayong siyasatin ang transparency at accountability sa paggamit ng confidential fund.

Kabilang rin sa mga isyu ang kabiguan ng DepEd na maipamahagi ang mga biniling school equipment na inimbak sa warehouse noong si Duterte pa ang namumuno sa ahensya.

Sinasaad din sa imbitasyon, ang kahilingan kay VP Duterte na magsumite ng mga kaugnay na dokumento o position papers hinggil sa mga isyung binanggit sa PS No. 379 bago ang pagdinig sa Nobyembre 20.

Hinikayat din siya ng panel na magbigay ng written statement kung hindi siya makakadalo, upang matiyak ang transparency at tamang dokumentasyon para sa mga rekord ng Kongreso.

Sa pagdinig ng Quad Comm, tinanggap at nilagdaan ng Bise Presidente ang imbitasyon na itinuturing na isang tanda ng kanyang kahandaan na sagutin ang mga isyu laban sa kanya.