Ortega1 P1M REWARD – Inanunsyo nina Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun, at Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V sa isang pulong balitaan nitong Lunes ang P1 milyong pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon para mahanap si Mary Grace Piattos, ang isa sa mga tumanggap ng confidential fund mula sa Office of the Vice President at pumirma sa acknowledgement receipt na may petsang Disyembre 30, 2022. Kuha ni VER NOVENO

VP Sara walang dapat sisihin kundi sarili pag may nawalan ng trabaho sa OVP

10 Views

WALA umanong dapat na sisihin si Vice President Sara Duterte kung mawalan ng trabaho ang mahigit 200 empleyado ng Office of the Vice President (OVP), dahil tumanggi ito na ipagtanggol ang kanilang panukalang badyet sa 2025 at ayaw ipaliwanag kung papaano ginastos ang ibinigay na pondo sa kanyang ahensya.

Sinabi ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales na hindi masisisi ni Duterte ang Kongreso kung ibinaba sa P733 milyon ang panukalang P2 bilyong pondo nito, dahil ayaw niyang ipaliwanag kung papaano nito ginastos ang P500 milyong confidential fund ng OVP, na sinita na rin ng Commission on Audit (COA).

“‘Yung 200 plus na sinasabi ni Vice President na mawawalan ng trabaho, para ipaglaban, i-justify ‘yung kanyang budget. The problem is hindi niya jinustify ‘yung budget niya. So it’s her responsibility,” sabi ni Khonghun.

Ayon kay Khonghun, ilang ulit na binigyan ng pagkakataon ng Kamara si Duterte na maipaliwanag ang panukalang badyet nito, subalit hindi ito humarap sa pagdinig at sinabi na bahala na ang Kongreso na magdesisyon.

“Ilang beses siyang inimbitahan, hindi siya um-attend, hindi siya pumunta para i-justify ang kanyang budget. And yet pagkatapos ibabalik niya sa Kongreso ‘yung mawawalan ng trabaho?” sabi ng solon.

Kung naipaliwanag lamang umano kung papaano ginamit ng OVP ang pondo na inilaan sa kanila ay maaaring naiwasan ang ganitong pangyayari.

“Kung jinustify niya ang budget niya at inayos niya ang paggamit ng pondo ng pamahalaan, walang mawawalan ng trabaho at maayos ang trabaho ng Office of the Vice President,” giit ni Khonghun.

Ganito rin ang sinabi ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union.

“Hindi naman enough reason ‘yung employment for me,” sabi ni Ortega. “Kaya nagkaroon ng ganyan na problema dahil ‘yung fulfillment ng trabaho, unang-una, utilization rate, burn rate, hindi nagamit maigi ang mga programa na ‘yan.”

Ayon kay Ortega, ang underutilization ng pondo ay pagpapakita rin na hindi produktibo ang mga empleyado ng OVP na may kaugnayan sa paggamit sa pondo.

“Paano mo dadagdagan ‘yung pondo? Eh noong nakaraang taon, hindi naman nagamit, sobrang underutilized. So common sense would dictate na ibig sabihin kung hindi ginamit ‘yung pondo na ‘yan, pati ‘yung mga empleyado na ‘yan, underutilized sila, hindi nila nagawa maigi ang trabaho nila,” sabi ni Ortega.

“Sa sinubmit din po namin sa Senate, may kaakibat at magiging role ang mga empleyado na ‘yan. At hindi naman direktang mawawalan ng trabaho,” paglilinaw nito.

Nauna ng sinabi ni House committee on appropriations senior vice chairman Stella Quimbo na hindi binawasan ng Kamara ang pondo para sa pampasuweldo ng OVP.

Ang inalis na pondo ng OVP ay inilipat sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).