Calendar
‘Wag gawing Pinoy si Mark Ong’
NANAWAGAN si Sen. Risa Hontiveros sa kanyang mga kapwa senador na tanggihan ang aplikasyon ng Chinese national na si Li Duan Wang o Mark Ong na maging naturalized Filipino dahil sa mga koneksyon nito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at iba pang kahina-hinalang aktibidad.
Sa kanyang interpelasyon, inihayag ni Hontiveros na itinago ni Wang ang mahahalagang detalye tungkol sa kanyang mga interes sa negosyo, kabilang ang pagkakasangkot sa Avia International Club at 9 Dynasty junket operations na may kaugnayan sa pagsusugal at umano’y kahina-hinalang gawain.
Ipinakita ni Hontiveros ang mga larawan ni Wang sa isang ribbon-cutting ceremony ng 9 Dynasty casino, kasama si Duanren Wu, na kinilala umano bilang “utak” ng POGO operations sa Porac, Pampanga.
“It should not inspire confidence in us senators that Wang is an associate of a fugitive and a POGO boss embroiled in human trafficking.
Sana suriing mabuti ng mga kapwa ko senador itong background ni Wang kasi nagwawagayway ang mga red flag ng aplikante,” diin ni Hontiveros.
Inihayag din ng senadora na ginamit ni Wang ang alyas na Mark Ong upang maling ipahayag ang sarili bilang isang Pilipino sa mga dokumentong korporasyon, kabilang na ang mga papeles ng Avia International Club.
Sinabi ng senadora na nagpapakita ito ng masamang hangarin: “You cannot be a Filipino citizen while applying to be one. Both facts cannot be true at the same time.”
Dagdag pa ni Hontiveros, ang Avia International Club naglilingkod sa mga kliyenteng Tsino, nag-ooperate sa isang gusaling ginagamit din ng kontrobersyal na Yatai Spa at konektado sa self-confessed Chinese spy na si She Zhijiang.
Kasama sa mga karagdagang rebelasyon ang pagkakaroon ni Wang ng maraming Taxpayer Identification Numbers (TINs), kung saan ang isa konektado sa kinanselang foundation na JuanCare.
“Sino ba siya talaga? Hindi po legal ang pagkakaroon ng napakaraming TIN,” babala ni Hontiveros, na maaaring magdulot ng legal na kaso laban kay Wang.
Binanggit din ni Hontiveros ang pagiging chairman ni Wang ng Philippine Jinjiang Yuxi Association, na iniuugnay sa United Front Work ng Communist Party of China.
Kinuwestiyon niya ang katapatan ni Wang. “I question where Mr. Wang’s loyalties would be if he is granted Filipino citizenship by the Philippine Senate.”