Calendar

Waiter dedo, pinsan sugatan sa gripuhan sa labas ng bar
DEAD-on-arrival sa ospital ang isang lalaki at inoobserbahan ang pinsan niya dahil sa saksak ng isa sa mga nakatakas na suspek sa harap ng Padi’s Point bar sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Manila noong Biyernes.
Kinilala ang nasawi na si Jessie, waiter. Ang pinsan niya ay nakilalang si Jayvee, 24.
Ayon sa report ni Police Capt. Dennis Turla, hepe ng Homicide Section ng MPD, bandang alas-4:45 ng umaga naganap ang pananaksak.
Batay sa salaysay ng mga testigo, papaalis na sa bar ang mga suspek pero biglang sumigaw umano si Jayvee ng, “Ano, sino aano, dyan?”
Sinabihan ng isang Arjay ang biktima na huminahon habang hawak ito at sakal sa leeg.
Nakita ni Jessie ang ginawa sa kanyang pinsan kaya nagalit at sinuntok ang suspek kaya nauwi sa bugbugan.
Sa sagupaan, bumunot ng isang butterfly knife ang suspek na si alyas Amboy at sinaksak ang mag pinsan kaya tumakas na ang iba lulan ng motorsiklo.
Isinugod ang mga biktima sa emergency room ng Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit idineklarang patay na si Jessie.