Calendar
Walang ebidensiyang inalis sa impeachment case sa panahon ng pre-trial — Luistro
NILINAW ni House lead prosecutor Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas noong Lunes na walang anumang dokumentaryong ebidensiya na inalis o ibinasura sa impeachment case laban kay Vice President Sara Z. Duterte sa kasalukuyang isinasagawang pre-trial proceedings ng Senate impeachment court.
Ginawa ni Luistro ang paglilinaw matapos siyang tanungin kung mayroon nang mga rekord, dokumentaryong ebidensiya, o mga testigong inalis sa konsiderasyon sa panahon ng pre-trial conference.
“Tungkol sa pag-aalis o pag-strike off ng mga rekord, wala. Hindi iyan dapat mangyari sa panahon ng pre-trial conference,” ani Luistro sa isang press briefing sa Senado.
Ipinaliwanag niya na ang proseso ng pre-trial ay hindi ang tamang yugto upang pagpasiyahan kung katanggap-tanggap o admissible ang mga dokumentaryong ebidensiya.
“Kapag pinag-uusapan ang pag-strike off, ang tinatalakay mo ay ang admissibility ng mga dokumentaryong exhibits, at hindi iyan pinahihintulutan,” ani Luistro. “Hindi iyan ang tamang paksa sa isang pre-trial conference.”
Ayon kay Luistro, ang mga usapin hinggil sa pagiging admissible ng mga dokumentaryong ebidensiya ay tatalakayin lamang kapag pormal nang nagsimula ang impeachment trial.
Tumanggi rin si Luistro na magbigay ng mga partikular na detalye tungkol sa mga ebidensiya, testigo, at mga pinagkasunduang katotohanan o stipulations of fact na tinatalakay sa pre-trial conference, dahil sa mga limitasyong ipinapataw sa pagkomento tungkol sa merito ng kaso.
“Pakunawaan ninyo na hindi namin maaaring talakayin nang detalyado ang merito ng impeachment trial na ito, at kabilang dito ang mga detalye ng stipulation of facts, listahan ng mga testigo, at maging ang pagmamarka ng mga dokumento,” aniya.
Bagama’t hindi siya nagbigay ng detalye tungkol sa mga nagaganap sa pagdinig, inilarawan ni Luistro ang atmospera ng pre-trial conference bilang masigla ngunit propesyonal, kung saan kapwa nakatuon ang magkabilang panig sa pagsusulong ng kani-kanilang posisyon.
“Napakapuspusan ng talakayan sa diwa na ang prosekusyon ay lubos na nakatuon sa pagpapatunay ng kanilang kaso, habang ang depensa naman ay lubos ding nakatuon sa pagpapatunay ng kawalang-sala ng respondent,” aniya.
Kasalukuyang tinatapos ng mga panel ng prosekusyon at depensa ang pagmamarka ng mga dokumentaryong exhibits bago ilabas ng Senate impeachment court ang pre-trial order nito.
Nakatakdang magsimula ang impeachment trial ni Duterte sa Hulyo 6.

