ortega1

Walang lobby sa mga miyembro ng House majority bloc para i-impeach si VP Sara

41 Views

WALA umanong nagla-lobby sa majority bloc ng Kamara de Representantes kaugnay ng impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V nakatuon ngayon ang atensyon ng Kamara sa paggawa ng batas.

Sa isang press conference ngayong Miyerkoles sa Kamara, ipinunto rin ni Ortega na ang reklamo ay nasa kamay pa ng Office of the Secretary General.

“Wala pa po. Wala pa pong kahit ano,” sabi ni Ortega. “Talagang sabi ko nga po, we’ve been very focused on the hearings. ‘Yun pa rin po ang goal, ‘yun pa rin po ang thread ng focus namin sa majority.”

Bagamat masasabi umanong sapat na ang mga lumabas na impormasyon at ebidensya sa pagdinig ng Kamara ay hindi pa tahasang napag-uusapan ng majority bloc ang impeachment ni Duterte.

“Hindi pa po namin napag-uusapan as a group and as the majority hanggang ngayon. So never pa namin napag-usapan,” sabi ng solon.

Iniimbestigahan ng Blue Ribbon panel, na ang opisyal na pangalan ay House Committee on Good Government and Public Accountability, ang iregularidad sa paggastos ni Duterte ng confidential funds na may kabuuang halagang P612.5 milyon sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Samantala, iniimbestigahan naman ng Quad Comm ang umano’y extrajudicial killings sa pagappatupad ng war on drugs campaign ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, iligal na operasyon ng POGO at kalakalan ng iligal na droga.

“Ang trabaho po namin, we’re constitutionally mandated na aktuhan po ‘yan lalo ’pag na-refer na ‘yan,” saad ni Ortega.

“Pero ‘yun nga po may proseso pong pagdadaanan ‘yan. Hindi naman po iisang boto lang ‘yan. Boto po ng buong House at ibabato po natin sa Senate, then depende po sa progress ng mga na-file na impeachment complaints,” pagpapatuloy nito.

Isinantabi naman ni Ortega ang espekulasyon na maiimpluwensyahan ng religious organization ang desisyon ng Kamara sa impeachment dahil lahat umano ang sektor ay dapat na pakinggan.

“Lahat, lahat naman po ng sektor. Siyempre po pag policy-driven kayo, legislative ang trabaho niyo, you will consider po lahat ng boses ng lahat ng sektor,” wika pa ni Ortega.

“At the end of the day, kailangan may consensus kasi nga po iisa po ang goal naman natin dito sa House of Representatives—ituloy ‘yung ating mga ginagawang trabaho,” saad pa nito.

Dalawang impeachment complaint na ang inihain laban kay Duterte.

Natanggap ng Office of the Secretary General ng Kamara de Representantes ang ikalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte at inendorso ito nina Makabayan bloc Reps. France Castro, Arlene Brosas, at Raoul Manuel.

Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, ang reklamo ay ipoproseso alinsunod sa Konstitusyon at sa Rules of Procedure in Impeachment Proceedings.

“As mandated by Article XI on Accountability of Public Officers, particularly Section 3 of the 1987 Philippine Constitution, the House of Representatives will process this complaint in accordance with the Rules of Procedure in Impeachment Proceedings,” sabi ni Velasco.

Ang ikalawang impeachment ay inihain dalawang araw matapos na ihain ang unang reklamo.

Ayon kay Velasco ang dalawang reklamo ay kanyang ipadadala sa Office of the Speaker.

“The filing of impeachment complaints underscores the seriousness of the allegations and highlights the vital role of Congress in upholding transparency and accountability in government,” ani Velasco.

“The House is committed to performing its constitutional duty with fairness, impartiality and respect for the rule of law,” dagdag pa nito.

Tiniyak ni Velasco na susundin ang tamang proseso at ng may integridad.

“We assure the public that this process will be conducted with integrity, guided by the principles of due process and adherence to the Constitution,” sabi pa nito.

Ang impeachment complaint ay isa sa mga pamamaraan upang mapanagot ang mga piling opisyal ng gobyerno.

Sa ilalim ng Article XI ng 1987 Constitution ang Kamara ay binigyan ng ekslusibong kapangyarihan para umpisahan ang impeachment ng isang impeachable official.

“We call on all parties involved to respect the legal proceedings and allow the constitutionally prescribed process to take its course,” sabi nito.