Calendar
Walang patid na suplay ng kuryente prayoridad ng Marcos admin
Paiigtingin umano ng gobyerno ang paggamit ng kuryente mula sa renewable energy upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng kuryente sa bansa.
Ngayong 2023 ay patuloy umano ang isasagawang paglinang ng Department of Energy’s (DOE) ng mga alternatibong mapagkukuhanan ng suplay ng kuryente kasabay ang paghahanap ng paraan upang mapababa ang presyo nito.
Katuwang ang Energy Regulatory Commission (ERC) gagawa umano ang DOE ng mga polisiya upang mas lalong gumanda at dumami ang nagagamit na renewable energy (RE) technology sa bansa gaya ng offshore wind, waste-to-energy, expanded rooftop solar program, gayundin ang ocean at tidal stream energy.
Target ng gobyerno na umakyat sa 35 porsyento ng ginagamit na kuryente sa bansa sa taong 2030 ay galing sa renewable energy at maitaas ito sa 50 porsyento sa 2040.
Mula Hulyo 1 hanggang Disyembre 14, 2022 nakapagbigay na ang DOE ng 41 renewable energy service contract na mayroong potensyal na kapasidad na 9.2 gigawatts (GW).
Sa numerong ito, 6.2 GW ang manggagaling sa offshore wind (OSW) service contracts.
Ngayong taon ay itinaas na rin ng DOE ang Renewable Portfolio Standards para sa on-grid areas sa 2.52 porsyento mula sa 1 porsyento noong nakaraang taon.
Pinapayagan ng DOE ang mga dayuhang kompanya na magmay-ari ng 100 porsyento ng renewable energy projects.
Rerepasuhin din ng DOE ang Nuclear Road Map upang madagdagan ang mga opsyon nang mapagkukuhanan ng kuryente sa bansa.