Calendar
Walang pork barrel sa ’27 budget–Kamara de Representantes
IGINIIT ng Kamara de Representantes na walang pork barrel funds o kuwestyunableng isiningit na alokasyon sa panukalang 2027 pambansang badyet at lahat ng pagbabagong ginawa ay nakabatay sa mga kahilingan ng mga ahensya ng pamahalaan at mga pangangailangang napatunayan sa mga lokal na komunidad.
Ayon kay Bataan Rep. Albert Garcia, paninindigan ng Kamara ang posisyong ito sa bicameral conference committee kung saan pagtutugmain ng Senado at Kamara ang kani-kanilang bersiyon ng panukalang badyet.
Ginawa ni Garcia ang pahayag kasunod ng mga ulat na nangako ang mayorya ng Senado na aalisin ang mga pondong maituturing na pork barrel bago tuluyang maisabatas ang panukalang pambansang badyet bilang General Appropriations Act (GAA).
“The House maintains its position na wala pong pork sa GAA,” pahayag ni Garcia.
Binanggit ni Garcia ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabawal sa mga mambabatas na makialam sa pagpapatupad ng badyet matapos itong maging batas.
Ipinaliwanag niya na ang tinutukoy na pork barrel ay may kaugnayan sa pakikialam ng mga mambabatas sa paggamit at pagpapatupad ng pondo matapos maisabatas ang pambansang badyet.
Bahagi ng kapangyarihang konstitusyonal ng Kongreso ang pagsusuri at pagbabago sa panukalang badyet bago ito maging batas, ayon kay Garcia.
Kapag naisabatas na ang badyet, nasa ilalim na ng responsibilidad ng sangay ehekutibo ang pagpapatupad nito.
Ayon sa kaniya, ang mga pagbabagong ginawa sa badyet ay nagmula sa mga kahilingan ng mga ahensya ng pamahalaan at mga proyektong natukoy sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan at komunidad.
“Ito po lahat ay galing sa agencies, validated, pasado sa requirement or doon sa bottom-up budgeting na kailangan noong locality,” ani Garcia.
Dagdag pa niya, ang mga pagbabagong ginawa ay naglalayong gawing mas angkop at tumutugon ang pambansang badyet sa tunay na pangangailangan ng bansa at ng mga mamamayan, sa halip na magsilbi sa pansariling interes ng mga mambabatas.
Tiniyak ni Garcia na hindi magbabago ang posisyon ng Kamara sa pagpasok ng bicameral deliberations, kung saan pag-uusapan at pagtutugmain ang mga pagkakaiba ng bersiyon ng badyet ng dalawang kapulungan.
“We will maintain that position as we enter the bicam,” pahayag niya.
Nagpahayag din siya ng kumpiyansa na mauunawaan nina Senate Finance Committee Chair JV Ejercito at Senate President Win Gatchalian ang kahalagahan ng mga proyektong isinusulong ng mga lokal na opisyal para sa kani-kanilang nasasakupan.

