Wanted sa carnap swak sa selda

Edd Reyes Sep 18, 2026
117 Views

SA rehas na bakal nasadlak ang babaeng wanted sa carnapping sa Quezon City matapos madakip noong Huwebes sa Caloocan City.

Mahigit pitong taon nagtago si alyas “Lily” bago nasukol ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili sa harap ng Gate 2, Zamora Compound, Camarin Road, Barangay 172, dakong alas-7:15 ng gabi.

Matagal ng tinutugis si alyas “Lily” mula nang maglabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 92 noong Marso 15, 2019, para sa kasong paglabag sa Republic Act 10883, o New Anti‑Carnapping Act, na may inilaang piyansang P300,000.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer‑in‑Charge P/BGen. Christopher Abrahano, ang pakakadakip sa akusado ay bahagi ng pagsisikap na dakpin ang mga taong may nakabimbing warrant of arrest.

Pinuri niya ang mga umarestong pulis sa kanilang pagsisikap at propesyonalismo.