K9

Wanted sa rape ng bata nabuking na kumuha ng police clearance

Edd Reyes Jan 22, 2026
171 Views

TIMBOG ang 22-anyos na K9 handler na wanted sa dalawang ulit na panghahalay sa batang babae habang kumukuha ng National Police Clearance Miyerkules ng hapon sa Taguig City.

Ayon kay Taguig police Officer-in-Charge P/Col. Julius Anonuevo, nabisto ang nakabimbing kaso ni alyas “Shamir” habang ipino-proseso ang kanyang kinukuhang police clearance dakong alas-1:00 ng hapon sa tanggapan ng Police Sub-Station-7 sa Brgy. Upper Bicutan.

Sa ulat na ipinarating ni Southern Police District (SPD) P/BGen. Randy Arceo kay National Capital Region Police Office (NCRPO), Director P/MGEN. Anthony Aberin, nahaharap sa dalawang bilang na kasong pagmomolestiya sa menor-de-edad na bata si alyas Shamir, mahigit dalawang taon na ang nakalilipas.

Isinilbi sa kanya ng mga operatiba ng Taguig Police Sub-Station-7 ang warrant of arrest na inilabas noon pang Disyembre 12, 2024 ni Taguig Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Desiree Gertrude G. Orquiola-Moldez ng Branch 163 para sa two counts of Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya..

Ipiniit muna ang akusado sa Taguig Police Sub-Station-7 habang hinihintay ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Taguig City Jail sa Camp Bagong Diwa, Lower Bicutan.