Calendar
Babae pinababa ng eroplano dahil sa bomb joke
MAHIGIT dalawang oras naantala ang lipad ng isang eroplano sa NAIA Terminal 3 nang pababain ang isang babaeng pasahero bunga ng pagbibiro na may dinamitang laman ang kanyang carry-on bag.
Ayon kay Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) Director P/BGen. Dionisio Bartolome, Jr. seryoso sila sa pagpapatupad ng seguridad sa lahat ng paliparan sa buong bansa kaya’t ang walang ingat na pagbibitiw ng pananalita ay tiyak na magdudulot ng serysong kahihinatnan.
Nangyari ang insidente Martes ng alas-7:25 ng gabi nang magbiro, habang nasa loob na ng eroplano ang babaing pasaherong patungong Bangkok sa pinakiusapang crew, na ilagay sa overhead bin ang kanyang carry-on bag.
“Palagay na lang kuya sa itaas, medyo mabigat lang at meron kasing dinamita,” ang bilin ng pasahero na dahilan upang alertuhin ng airline crew sa PNP-AVSEGROUP na agad nagutos ng clearing at paneling operation sa kanilang Aviation Security Explosive Ordnance Disposal (EOD) at K9 units matapos pababain ng eroplano ang babaing pasahero.
Alas-9:39 na ng gabi nang makaalis ang eroplano matapos walang anumang uri ng pampasabog ang nakita sa loob ng aircraft habang idineklara namang blacklisted na ng airline company ang babaing pasahero sa pagbiyahe pa niya sa hinaharap.
“May this serve as a warning to passengers who do not take the Bomb Joke Law seriously. Even a simple remark can lead to a complicated and stressful situation,” sabi pa ni BGen. Dionisio.

