Isko3

Bagong grupo ng mga batang kailangan ng liver transplant, ipadadala ni Yorme sa India

Edd Reyes Jan 21, 2026
149 Views

PANIBAGONG grupo ng mga batang nangangailangan ng atensiyong medikal ang ipapadala ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa bansang India upang sumailalim sa operasyon.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, iniutos niya ang paglalabas ng P6,976,208.85 para tustusan ang gastos ng apat na batang nangangailangan ng liver transplant, pati na ang isang batang kailangang isailalim sa burr hole aspration o ang pamamaraang pagbutas sa isang bahagi ng bungo para alisin ang naipong dugo, likido at nana sa utak.

Ang pagpapadala ng alkalde sa mga bata para operahan sa India ay bahagi ng kanyang pangakong pondohoan ang pagpapagamot na magliligtas ng buhay sa mga residente ng Maynila na hindi kayang tustusan ang mataas na gastusin, partikular ang pediatric liver transplants na hindi pa kaya ng mga pampublikong ospital sa lungsod.

Sa kanyang pakikipag-usap sa pamilya ng mga bata Martes ng hapon, ipinaalala ng alkalde ang sama-samang pagsisikap sa likod na tulong lalu na ang mga taxpayers.

Hinimok din niya ang mga ito na lakasan ang loob at manatili ang pananalig sa Diyos na malalagpasan ng kanilang mga anak ang isasagawang operasyon.“May awa ang Diyos, magdasal kayo,” sabi niya sa pamilya ng mga bata.

Umaasa ang alkalde na mabilis ang paggaling ng mga bata at lalaki silang malusog kapat natapos na ang operasyon.

Magugunita na noong Disyembre ng nagdaang taon, inanunsiyo ni Yorme Isko ang paglalabas ng P7.4 milyong pondo mula sa Special Helath Fund para suportahan ang limang mga batang Maynila na isasailalim sa liver transplant sa India.