Sunog

Kelot ‘sinilaban’ sariling bahay, dinala sa presinto para makaligtas sa nasunugan sa Navotas

Edd Reyes Jan 21, 2026
195 Views

BINITBIT ng pulisya patungong presinto ang kelot na pinagbibintangang sadyang sinunog ang kanyang tirahan na nagdulot ng pagkalat ng apoy sa ilang mga kabahayan, Martes ng gabi sa Navotas City.

Sa ulat ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinailangan nilang isailalim sa kostodiya si alyas “Paeng” upang imbestigahan sa naturang alegasyon at bigyang proteksiyon din sa poot ng mga nasunugan niyang kapitbahay.

Nagsimulang sumiklab ang apoy sa bahay ni alyas Paeng sa North Bay Boulevard South (NBBS) alas-9:56 ng gabi na mabilis na kumalat sa may 13 pang kabahayan na pawang gawa sa light materials, na nagdulot ng pagkawala ng tirahan ng may 57 pamilya.

Inaakusahan ng kanyang mga nasunugang kapitbahay si alyas Paeng na sinadyang silaban ang kanyang bahay bunga ng pagkahumaling umano sa ilegal na droga.

Nagsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang arson investigators ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) na silang may karapatang magsiyasat sa mga nagaganap na sunog, kaya hihintayin ng pulisya ang pinal na ulat bago magpasiya sa kahihinatnan ng suspek.

Nagpadala naman kaagad ng mga pangunahing pangangailangan sa mga pamilyang nasunugan si Navotas Mayor John Rey Tiangco at tiniyak na makatatanggap sila ng kaukulang ayuda para sa muli nilang pagbangon sa trahedya.