Calendar
Allowance ng mga lolo, lola, PWDs, solo parents matatanggap na
INANUNSIYO ni Manila Mayor Isko Moreno ang paglalabas ng ₱476.488 milyong allowance ng mga senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs) na ipapamahagi simula Enero 28 hanggang Enero 30, 2026.
Sa kanyang Facebook livestream Miyerkules ng hapon, sinabi ng alkalde na sakop ng mga babayarang utang ang buwan ng Setyembre hanggang Disyembre 2025, para sa mga solo parents at PWDs, habang Oktubre hanggang Disyembre naman sa mga senior citizens.
“Nabawasan na po si Judith (due date),” pahayag ni Yorme Isko na ang pinakakahulugan ay ang pagbabawas ng overdue allowance na obligasyon ng lokal na pamahalaan.
Aabot sa kabuuang 282,040 na benepisyaryo, kabilang ang mga senior citizens, solo parents, adult na PWDs, at menor-de-edad na PWD ang inaasahang makakatanggap ng allowance sa tatlong araw na pamamahagi.
“Ibig sabihin po nito, mahigit ₱1.1 billion na po ang nailabas natin mula noong ibinalik tayo ng taumbayan sa pwesto noong June 30, 2025,” sabi pa ng alkalde.
Sisimulan ang pamamahagi sa District 1 at 2 sa Tondo sa Enero 28, susundan ng District 3 at 4 sa Enero 29 at District 5 at 6 naman sa Enero 30.

