Patay PATAY – Nasawi ang lalaking biktima ng pamamaril sa Tondo, Manila, habang nakuha sa CCTV ang rumespondeng pulis na nakipagpalitan ng putok sa gunmen at tinamaan ang isang suspek nitong Miyerkules.

Kelot inambush ng RIT, dedo; 1 suspek sugatan, 1 pa arestado

Jon-jon Reyes Jan 21, 2026
159 Views

Patay1DEAD on the spot ang isang lalaki na biktima ng pamamaril sa Cavite corner M. Alcalde Streets na sakop ng Barangay 169, Tondo, Manila, madaling araw ng Miyerkules.

Sugatan naman ang itinuturong gunmen na kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan, matapos makipagbarilan sa rumespondeng pulis sa nasabing lugar.

Nakilala ang namatay na biktima na 32-anyos na residente ng Raxabago, Tondo. Siya’y nagtamo ng tama ng bala sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan.

Ayon sa ulat ng Manila Police District, pasado alas-2:30 ng madaling araw nang mangyari ang pamamaril. Nakarinig ng ilang sunod-sunod na putok ng baril ang isang pulis sa kanilang lugar at aktuwal na namataan ang dalawang suspek na pinagbabaril ang biktima.

Agad na lumapit at nagpakilala ang pulis sa mga suspek, subalit bigla siyang pinaputukan ng isa, ang naka-angkas sa motorsiklo.

Dito na gumanti ng putok ang rumespondeng pulis at tinamaan ang isa sa mga suspek na agad isinugod sa Tondo Medical Center.

Nakatakas naman ang rider na ikalawang suspek sakay ng motorsiklo, ngunit naaresto rin sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Gagalangin Police Community Precinct ng MPD Station 1.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, ang isa sa mga suspek ay 27-anyos na residente ng Tondo. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at ginagamot sa Chinese General Hospital.

Samantala, narekober ng Scene of Crime Operatives ng MPD sa crime scene ang isang baril na hindi pa matukoy ang kalibre at ilang basyo ng bala.

Patuloy pang inaalam ang tunay na motibo ng pamamaril at pagpaslang sa biktima, na diumano’y may kinalaman sa ilegal na droga, ayon sa kapatid ng biktima.