Isko1 HULI – Kinilala ni Manila Mayor Isko Moreno ang suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang dalaga na dumayo lamang noong araw ng Pasko sa Tondo, Manila.

KELOT NA BUMARIL AT NAKAPATAY SA BEBOT NA DUMAYO SA TONDO NOONG PASKO ARESTADO

Jon-jon Reyes Jan 21, 2026
88 Views

ARESTADO na ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station 1 ang 24-anyos na suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang bebot na dumayo lamang sa isang kasiyahan noong araw ng Pasko sa Tondo, Manila, matapos mamataan sa Tondo noong Lunes ng gabi.

Batay sa ulat ng MPD Station 1, bandang 11:20 ng gabi ng Enero 19 nang maaresto ang suspek na miyembro ng Batang City Jail sa C. P. Garcia Street, Barangay 118, Tondo, matapos mahulihan ng baril.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng sumbong mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang lalaking may dalang baril at naghahamon ng away.

Agad itong inaresto matapos maaktuhang may bitbit na baril na walang kaukulang papeles.

Patong-patong na kaso ang isasampa laban sa suspek, kabilang ang homicide at paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code (Alarm and Scandal) at Republic Act 10591, o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, na ihahain sa Manila Prosecutor’s Office.

Base sa report, ang suspek ang siyang itinuturo sa pagpatay sa dalagitang tinamaan ng ligaw na bala matapos dumalaw sa bahay ng kanyang nobyo sa Tondo noong madaling araw ng Pasko.

Agad namang iniharap ng mga operatiba ng MPD Station 1 kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang suspek matapos mahuli.

“Pumanatag kayo. Kapag may umapi sa inyo, nang-abuso, nambiktima sa inyo, rest assured that your city government will go after them, wherever they, whoever they are. Through the help of the Manila Police District, the men and women uniformed personnel of MPD, we’ll bring them to justice. Pumanatag kayo. Pipilitin natin lagi na maging panatag ang pamumuhay sa Lungsod ng Maynila,” pahayag ng alkalde ng Maynila.