Pangilinan

Whole-of-nation approach sa KIG hiniling ni Pangilinan

19 Views

NANAWAGAN si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa mas maraming opisyal ng pamahalaan, civil society groups, academic institutions, media representatives, at mga lider ng pribadong sektor na bumisita sa Kalayaan Island Group upang palakasin ang pambansang kamalayan at pagkakaisa sa pagtatanggol sa karagatan ng Pilipinas.

Ginawa ni Pangilinan ang panawagan matapos bumisita sa Pagasa Island noong Mayo 14, kung saan sinabi niyang kailangan ng bansa ang whole-of-government at whole-of-nation approach sa pagtugon sa mga kilos ng China sa West Philippine Sea.

“And I think aside from high government officials, even yung mga nasa private sector, ang mga nasa media, ang mga socio-civic organizations,” ani Pangilinan.

“Dahil ang balita natin, pag ang civil society groups at private sector ay kasama ng ating Coast Guard, kasama dito sa mga activities to strengthen our claim and our victory diyan sa international tribunal, talagang medyo dumidistansya ang ating mga katunggali,” dagdag niya.

Ayon kay Pangilinan, makatutulong ang pakikilahok ng iba’t ibang sektor upang mas mapagtibay ang karapatan ng bansa sa exclusive economic zone, territorial waters, at national sovereignty nito.

“Kaya napakahalaga whole-of-government and whole-of-nation approach ang ating pagdepensa sa ating Exclusive Economic Zone, sa ating territorial waters, sa ating national sovereignty,” ani Pangilinan.

Sinabi ng senador na mahalaga rin ang mga pagbisita sa Pagasa Island upang makita mismo ang pangangailangan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard, kabilang ang karagdagang barko at kagamitan, lalo na habang papalapit ang budget deliberations sa Kongreso.

Aniya, hindi nais ng Pilipinas ng gulo ngunit kailangang palakasin ang kakayahan nitong magpatrolya sa sariling karagatan.

“Ayaw natin ang gulo. Ayaw natin ng escalation of tensions. Pero kinakailangan nating paigtingin ang ating capacity to patrol our waters,” ani Pangilinan.

Ang pagbisita ni Pangilinan ay ginawa habang patuloy na nagpapahayag ng pangamba ang mga opisyal ng Pilipinas sa mga kilos ng China sa West Philippine Sea.

Nauna nang binatikos ng Chinese Embassy in Manila si Pangilinan matapos niyang punahin ang mga pahayag nito laban sa ilang opisyal at mambabatas ng Pilipinas na nagsalita tungkol sa usapin sa karagatan.