Calendar
Naarestong suspek na gumanti umano ng putok sa mga tauhan ng OSAA ng Senado positibo sa gunpowder residue
NAGPOSITIBO sa gunpowder residue ang inarestong volunteer driver ng National Bureau of Investigation (NBI) na nahaharap sa patong-patong na kaso bunga ng pagpapautok umano ng baril sa kasagsagan ng kaguluhan sa Senado noong gabi ng Miyerkules, Mayo 13, 2026.
Kinumpirma ito ni Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) head P/Lt. Margaret Panaga Linggo ng gabi makaraang isailalim sa pagsusuri ang 44-anyos na suspek na si Mel Oragon bago pa siya iprisinta sa Pasay City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings kaugnay sa mga kakaharaping kaso.
Kabilang sa mga inihaing reklamo ng Pasay City Police Station laban kay Oragon ang paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Alarm and Scandal, Direct Assault, Trespass to Property, at paglabag sa security protocols ng Senado.
Nauna ng inihayag ni NBI Director Melvin Matibag na hindi nila opisyal na empleyado si Oragon kundi volunteer driver lamang ng grupong kanilang ipinadala sa paligid ng Government Service Insurance System (GSIS) kung saan naroon din ang Senado.
Sadya aniyang may pagkakataon na kailangan nila ng mga volunteer bilang force multiplier dahil kapos talaga sila sa mga tauhan sa dami ng naka-atang sa kanilang tungkulin.
Nagpadala aniya siya ng mga tauhan sa gusali ng GSIS bilang tugon na rin sa liham ng General Manager at Pangulo ng ahensiya na si Wick Veloso na humihiling ng tulong upang mapangalagaan ang paligid ng gusali.
