PNP

Workshop para sa mga photographers sinimulan na

Alfred Dalizon Apr 2, 2025
22 Views

OPISYAL nang sinimulan ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong-araw na Digital Photography Workshop sa Camp Crame upang ganap na sanayin ang mga pulis-photographers and videographers sa photography at documentation ng umuunlad na Pambansang Pulisya.

Ang workshop na ginagawa sa PNP Public Information Office ay isang inisyatiba ng pamunuan ng PNP sa ilalim ni General Rommel Francisco D. Marbil upang pahusayin ang kasanayan ng may 50 uniformed at non-uniformed personnel mula sa iba’t ibang yunit ng PNP na nakabase sa Camp Crame.

Ang workshop ay sinusuportahan ni Gen Marbil at PNP Director for Comptrollership, Major Gen. Niel B. Alinsangan na parehong binigyang-diin ang mahalagang papel ng visual documentation sa mga operasyon ng law enforcement.

Sa kanyang opening statement para pormal na buksan ang workshop, binigyang-diin ni PNP-PIO chief, Colonel Randulf T. Tuaño, ang mahalagang papel ng photography sa pagdodokumento ng mga mahahalagang kaganapan sa bansa.

Kanya ding sinabi na ang isang magandang larawan na kuha ng isang PNP photographer ay makakapaghatid ng makapangyarihang mensahe, na nakatutulong sa transparency at pagpapalakas ng ugnayan sa publiko.

Lubos na sinuportahan ni Gen. Marbil ang naturang workshop.

“Sa makabagong panahon ngayon, ang photography ay higit pa sa pagkuha ng mga sandali—ito ay isang mahalagang kasangkapan sa law enforcement. Mula sa pagdodokumento ng mga crime scene at public engagements hanggang sa pag-preserba ng mga milestone ng ating institusyon, ang mataas na kalidad ng visual documentation ay nagpapalakas ng transparency, accountability, at tiwala ng publiko sa ating organisasyon,” ayon sa PNP chief.

“ Ang workshop na ito ay isang hakbang patungo sa pagpapabuti ng ating mga proseso at pagtutok sa pag-equip ng ating mga personnel sa mga kasanayan na kinakailangan upang mapanatili ang propesyonalismo sa bawat aspeto ng ating serbisyo,” dagdag pa niya.

Ang kilalang eksperto sa photography na si Mr. Fernando “Jun” Valbuena Jr. ay tumatayong resource person para sa workshop. Sa kanyang karera na umaabot ng higit tatlong dekada, si Mr. Valbuena ay eksperto sa iba’t ibang aspeto ng photography, kabilang na ang commercial at portrait photography, digital workflow, at post-processing.

Ang kanyang kaalaman ay magbibigay sa mga personnel ng PNP ng mga teknikal at artistikong kasanayan na angkop sa mga pangangailangan ng law enforcement, ayon kay Col. Tuaño.

Ang workshop na ito ay nagpapakita ng commitment ng PNP na i-modernize ang mga operasyon nito at palakasin ang kakayahan ng mga personnel sa mahusay na pagdodokumento ng mga crime scene, public engagements, at mga milestone ng institusyon, ayon sa opisyal.

“ Sa pagpapabuti ng kasanayan sa visual documentation, tinitiyak ng PNP ang mas mataas na accountability, kredibilidad, at kahusayan sa paghahatid ng serbisyo publiko,” sinabi ni Col. Tuaño.