Calendar
Yamsuan isinusulong seguridad sa panunungkulan, makataong sahod para sa mga NUP
ISINUSULONG ni Parañaque City 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan ang pagpasa ng kanyang panukalang batas na naglalayong tiyakin ang seguridad sa panunungkulan at pagkakaloob ng makataong sahod at mga benepisyo sa mga di-unipormadong kawani (Non-Uniformed Personnel o NUP) ng militar at mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa bansa.
Kasabay ng pagpapatupad ngayong taon ng pagtaas ng sahod at subsistence allowance ng mga kawal at unipormadong tauhan, sinabi ni Yamsuan na napag-iwanan ang kanilang mga sibilyang katapat na patuloy na nakararanas ng mababang sahod, labis na trabaho, at kakulangan sa seguridad sa trabaho at benepisyo.
Ayon kay Yamsuan, inihain niya ang House Bill (HB) 4796 o ang panukalang Magna Carta para sa mga Di-Unipormadong Kawani, na naglalayong tiyakin ang patas na pagtrato sa mga NUP at kilalanin ang kanilang mahalaga at di-mapapalitang papel sa mga unipormadong ahensya.
Ang iminungkahing Magna Carta ay magbibigay-benepisyo sa mga NUP ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang unipormadong ahensya.
“Ang pinakahuling serye ng pagtaas ng sahod at subsistence allowance ng militar at mga unipormadong tauhan ay lalo lamang naglantad sa malaking agwat ng sahod at benepisyong tinatanggap nila kumpara sa kanilang mga sibilyang katapat,” ani Yamsuan.
“Dapat gampanan ng Kongreso ang tungkulin nitong ipaglaban ang kapakanan ng ating mga di-unipormadong kawani na ang mga trabaho ay kasinghalaga at kasing-kinakailangan sa maayos at epektibong paggana ng mga unipormadong ahensya,” dagdag pa ni Yamsuan, na miyembro ng House Committee on Public Order and Safety.
Matapos ang paglalabas ng Executive Order (EO) No. 107 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tinatayang P21.7 bilyon ang inilaan ngayong taon para sa pag-aayos ng base pay ng militar at unipormadong tauhan simula Enero 1, 2026. Saklaw din ng EO ang pagtaas ng kanilang subsistence allowance mula P150 hanggang P350 kada araw, na epektibo rin Enero 1 ngayong taon, na mangangailangan ng pondong P71.1 bilyon.
Sinabi ni Yamsuan na bilang dating Assistant Secretary ng Department of the Interior and Local Government (DILG), nasaksihan niya ang kritikal na papel na ginagampanan ng mga NUP sa pagtiyak ng operasyonal na kahusayan ng PNP.
“Pero kahit mahigit 30 taon na silang nagtatrabaho at tumanda na bilang NUP, hindi man lang tumaas ang kanilang sweldo at halos wala man lang natatanggap na benepisyo. Ang sipag at dedikasyon ng maraming NUP ay hindi napapansin, kaya’t nauuwi ito sa kawalan ng seguridad sa trabaho at proteksiyong pinansyal,” ani Yamsuan.
Sa ilalim ng Magna Carta, sinabi ni Yamsuan na makatatanggap ang mga NUP ng makatarungang kabayaran sa anyo ng sahod, allowances, at iba pang benepisyo, gayundin ang pagkakaroon ng isang rasyonal na sistema ng promosyon at tuloy-tuloy na mga programang pagsasanay. Tinitiyak din dito ang kanilang seguridad sa panunungkulan at kalayaan sa asosasyon.
Saklaw din ng Magna Carta ang mga NUP sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Department of National Defense (DND), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Corrections (BuCor), Philippine Coast Guard (PCG), at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).
Sa ilalim ng DILG, sinabi ni Yamsuan na may humigit-kumulang 12,800 awtorisadong sibilyang posisyon para sa PNP, BFP, at BJMP noong 2025.
Iminungkahi ni Yamsuan sa Magna Carta na ang salary scale ng mga NUP ay maging kapareho ng sa mga unipormadong tauhan at maihambing sa sahod sa iba pang mga trabaho o propesyong nangangailangan ng katumbas o kahalintulad na kwalipikasyon, pagsasanay, at kakayahan, anuman ang ranggo o posisyon.
Nakasaad din sa Magna Carta na “ang salary scale ay dapat magtulak na ang pinakamababang ranggo at posisyon ay makatanggap ng halagang sasapat upang matiyak ang isang makatwiran at disenteng pamantayan ng pamumuhay. Ang batayang buwanang sahod ay hindi kabilang ang subsistence allowance, cost of living allowance, quarters allowance, clothing allowance, hazard pay, amelioration pay, health care pay, at iba pang allowances na maaaring ipagkaloob sa ilalim ng umiiral na mga batas.”
Tinitiyak din ng panukala ang seguridad sa panunungkulan ng lahat ng NUP, na nagsasaad na hindi maaaring wakasan ang kanilang serbisyo maliban kung may makatarungang dahilan at matapos ang wastong proseso. Kung mapatunayang iligal ang pagkakatanggal ayon sa Civil Service Commission (CSC), may karapatan ang NUP sa agarang reinstatement nang walang pagkawala ng seniority rights, pati na rin sa back wages na may interes at lahat ng kaukulang benepisyo.
Kabilang din sa mga benepisyong ipagkakaloob sa mga NUP ang overtime pay, night differential pay, longevity pay, maagang pagreretiro, hazard allowance, subsistence allowance, laundry allowance para sa mga kailangang magsuot ng uniporme; rice subsidy; quarters allowance para sa mga kinakailangang manatili sa kanilang lugar ng trabaho; at clothing allowance.
May karapatan din ang mga NUP sa vacation at sick leave, study leave, maternity at paternity leave, limang (5) araw na mandatory leave na may buong sahod, separation benefits, at scholarship privileges para sa kanilang mga dependents.
Kapag naisabatas, sinabi ni Yamsuan na ang Magna Carta ay makatutulong sa propesyonalisasyon ng public safety workforce, magpapataas ng morale ng mga NUP, at magpapalakas ng pananagutan at pagiging maagap ng mga unipormadong ahensya.

