Calendar
Mga Pinoy nakikinabang sa mga programang panlipunang proteksyon ni PBBM
NAKIKINABANG ang mga Pilipino sa mga programang panlipunang proteksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kabilang ang Walang Gutom Program (WGP), matapos ipakita ng isang survey ang pagbaba ng antas ng kagutuman sa bansa, ayon sa Malakanyang.
Sa isang press briefing nitong Lunes, binanggit ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang positibong resulta ng SWS survey tungkol sa insidente ng kagutuman habang ipinapatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Walang Gutom Program.
Ayon sa SWS survey na isinagawa noong Nobyembre 24-30, 2025, bumaba ang hunger incidence sa 20.1 percent mula sa 22 percent noong third quarter ng nakaraang taon.
“Ayon sa (DSWD), ang pagbaba ng dami ng mga Pilipinong nakakaranas ng gutom ay malaking tagumpay para sa bayan. Ibig sabihin lang nito ay ramdam na ang mabuting epekto ng social protection programs ng pamahalaan,” ayon sa Palace Press Officer.
Sa utos ng Pangulo, palalakasin pa ng DSWD ang Walang Gutom Program upang mas mapalawak ang saklaw nito at maabot ang 300,000 benepisyaryo ngayong taon, dagdag ni Castro.
Bukod sa pagbaba ng insidente ng kagutuman, bumaba rin ang self-rated poverty at food poverty ayon naman sa huling Tugon ng Masa OCTA Research survey.
Isinagawa noong Disyembre 3-11, 2025, lumabas sa Tugon ng Masa OCTA Research survey na bumaba ang self-rated poverty sa 37 percent mula 54 percent noong 3rd quarter ng nakaraang taon.
Pinunto ni Castro na ayon sa OCTA, ang 17-percent na pagbaba ang pinakamalaking pagbaba ng self-rated poverty sa loob lamang ng tatlong buwan.
Bumaba rin ang food poverty incidence sa antas ng 30 percent mula sa dating 49 percent.
Sinabi ni Castro na anuman ang resulta ng survey, magpapatuloy ang pamahalaan sa paglaban sa kahirapan at pagtugon sa kagutuman sa bansa.

