EDSA1

Yamsuan: Pause ng EDSA rehab patunay na PBBM inuuna kapakanan ng mamamayan

36 Views

PINURI ni Parañaque City 2nd District Representative-elect Brian Raymund Yamsuan ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pansamantalang ipagpaliban ang EDSA Rebuild project upang bigyang-daan ang pagbuo ng mas maayos na plano na magpapabilis sa implementasyon nito gamit ang makabagong teknolohiya.

Inatasan ng Pangulo ang Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), Metro Manila Development Authority (MMDA), at iba pang ahensyang may kaugnayan sa proyekto na pag-aralang mabuti at buuin ang konkretong plano kung paano mas maisasakatuparan ang EDSA Rebuild Project sa mas mabilis na paraan—na target matapos sa loob lamang ng anim na buwan—gamit ang makabagong teknolohiya. Ginawa ng Pangulo ang desisyon upang mabawasan ang abalang maidudulot nito sa mga commuter at motorista.

“Ang hakbang na ito ay nagpapakita ng isang Pangulong may malasakit at laging inuuna ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino,” ayon kay Yamsuan.

Dagdag ni Yamsuan, mas malaki ang magiging kapinsalaan sa mga motorista at commuter—na maaaring humantong sa araw-araw na “carmageddon” sa EDSA sa loob ng halos dalawang taon—kumpara sa mga inaasahang benepisyo ng proyekto kung ito ay itinuloy sa orihinal na iskedyul.

Tinukoy din ni Yamsuan ang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na nagsasabing umaabot sa P3.5 bilyon kada araw ang nawawala sa ekonomiya dahil sa matinding trapiko sa Metro Manila—at maaari pa itong tumaas sa P5.4 bilyon kada araw pagsapit ng 2035 kung walang sapat na mga imprastrakturang maipapatayo.

“Walang duda na kailangan na talagang ayusin at i-rehabilitate ang EDSA na ilang dekada nang ginagamit. Ngunit gaya ng tama at makatuwirang sinabi ng Pangulo, kailangang gawin ito gamit ang modernong paraan ng konstruksiyon upang mapabilis ang implementasyon at mapaliit ang panahon ng abala sa ating mga motorista at commuter,” ayon kay Yamsuan, na kasalukuyang miyembro ng House Committee on Transportation.

Ang P8.7 bilyong EDSA Rebuild project ay nakatakda sanang magsimula sa Hunyo 13, simula sa bahagi ng Pasay City hanggang Shaw Boulevard, at inaasahang matatapos sana sa taong 2027.