Calendar

Yorme Isko kakaririn na aktibo, ramdam ng publiko na may gobyerno 24/7
TITIYAKIN ni Mayor Isko Moreno Domagoso na sa umpisa pa lamang ng kanyang panunungkulan ay magiging aktibo na at ramdam ng publiko na may gobyerno sa lahat ng oras sa lahat ng sulok ng Maynila .
“Dapat ramdam ang presensya ng gobyerno, kung maaari, kahit 24 hours. Hindi naman kailangang ikaw mismo, pero ang mga uniformed personnel ay dapat laging aktibo at present sa kani-kanilang mga lugar.” sabi ng alkalde.
Patututukan ni Yorme Isko sa kapulisan ang mga lugar kung saan madalas maganap ang insidente ng krimen at karahasan tulad ng tourist belt area, business districts, mga academic institutions, at iba pang lugar kung saan may mataas na antas ng kriminalidad.
Dapat aniya ay magdamagan ang police visibility sa naturang mgal lugar, pati na ang mga lansangan na laging napapanood, hindi lamang sa mga balita, kundi sa social media ang garapalang nakawan tulad sa R-10 sa Tondo.
Sabi pa ng alkalde, hindi siya titigil sa kanyang layuning mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa kabisera ng bansa upang matiyak na magiging ligtas at maayos ang pamumuhan ng mamamayan at ng mga taong dumadako sa lungsod.
Inaasahan din ng mamamayan ang pagtatalaga ng alkalde ng mga taong kanyang mapagkakatiwalaan sa mga pangunahing departamento, kawanihan, at tanggapan, lalu na’t nagbitaw na siya ng mga katagang sisibakin niya sa puwesto ang mga opisyal na hindi maayos ang paglilingkod sa taumbayan sa unang araw pa lang ng kanyang panunungkulan.