Isko Si Manila Mayor-elect Francisco Isko Moreno Domagoso habang nanunumpa sa harap ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho Jr. Kasama ni Domagoso ang asawang si Dynee, mga anak na sina Patrick, Frances at Franco. Nanumpa rin si 1st District Councilor-elect Joaquin Domagoso, anak ng bagong alkalde. Kuha ni JONJON REYES

Yorme Isko Moreno nanumpa na bilang bagong alkalde ng Maynila

Edd Reyes May 20, 2025
17 Views

NANUMPA bilang bagong alkalde ng Maynila noong Lunes si Isko Moreno bago ang nakatakdang oath taking sa Hunyo 30 sa harap ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho Jr.

Sumaksi sa panunumpa ni Domagoso ang kanyang asawang si Dynee; mga anak na sina Patrick, Frances, Franco at kanyang anak na nahalal bilang konsehal ng unang distrito na si Joaquin Domagoso.

Ayon kay incoming Manila City Information Officer E-jhay Talagtag, nais ng bagong alkalde ng na maging simple lamang ang kanyang panunumpa upang markahan ang kanyang pagbabalik sa Manila City Hall.

Layunin ni Domagoso na unahin ang kapakinabangan ng taumbayan, hindi ang magarbong mga pagdiriwang dahil kailangan ang maingat na paggugol sa salapi ng bayan na dapat ilaan sa mahahalagang pagkakagastusan.

Humingi ng paumanhin si Mayor Domagoso sa mga gustong dumalo at ipinaliwanag na nilalayon niyang mabilis na matapos ang oath-taking para makapagsimula kaagad siya sa trabaho sa Hunyo 30 ng tanghali.

“Inagahan na natin ang pagtupad sa rekisitos na ito para mailaan na natin ang ating buong panahon at isip sa mas mahahalagang bagay tulad ng pagbibigay solusyon at aksyon sa mga suliraning kinakaharap at kahaharapin ng ating lungsod,” pahayag ng mauupong alkalde.

Desidido ang administrasyong Domagoso na huwag mag-aksaya ng anumang oras, dahil ang Maynila nahaharap sa maraming hamon na nangangailangan ng agarang atensyon at pagtugon, kabilang na rito ang kalinisan, kaayusan, katahimikan at pagtugis sa mga tolongges at iba pang indibidwal na sangkot sa krimen.