Isko

Yorme Isko nabahala na lolo, lola di na natanggap taunang birthday cake

Edd Reyes Jun 1, 2025
26 Views

NAALARMA si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa hinaing ng mga senior citizen hinggil sa hindi na pagtanggap ng taunang birthday cake simula pa noong huling bahagi ng nagdaang taon.

Ayon sa alkalde, natuklasan niya nito lang mga nakaraang araw na hindi na umano nabayaran ang supplier ng cake sa loob ng 19 na buwan na aabot sa halagang P145 milyon na posibleng dahilan upang matigil ang pamamahagi ng cake sa mga lolo at lolang nagdiriwang ng kaarawan na kanyang pinasimulan noon.

Bukod sa supplier ng cake, sinabi ni Yorme sa online show na Truth on the Line na natuklasan din niya ang hindi pagbabayad umano ng obligasyon sa mga inupahang security guard na aabot sa P110 milyon at ang pinakamalaki ay ang supplier ng gamot na aabot sa P1.4 bilyon.

Sinabi ni Yorme Isko na ayaw naman niyang maghusga ng kapuwa at lalung ayaw niya ang magturo. Aniya, kanyang aalamin kung totoo o hindi ang nasabing pagkululang sa kanyang pag-upong muli sa katungkulan.

Ayon pa sa alkalde, kung ang 19 at ang walong buwan na hindi nabayarang obligasyon sa mga supplier, pati na ang hindi naibigay na allowance sa mga pulis, guro, at estudyante, kailangang alamin niya kung saan napunta ang pondo.

Sigurado aniya siya na may pera naman na nakalaan sa naturang mga gastusin na kabilang sa general funds na nagmula sa local income tulad ng bayad sa amilyar, mga regulatory fees, parking fees, business tax at iba na nakaukol talaga para sa bayad sa pagkakaloob ng serbisyo at pagbili ng produkto.na idinadaan sa wastong proseso tulad ng bidding at iba pa.

Sa oras aniya na kinakailangan ang pondo para sa serbisyo o pagbili ng produkto, kinakailangan ang pag-iisyu ng Certificate of Availability of Funds (CAF) kaya’t sigurado siya na may salapi talagang nakalaan sa mga gastusin na kailangan niyang tuklasin kung saan napunta.

Nilinaw din ni Yorme Isko na ang kanyang inutang noon sa kasagsagan ng pandemyang dulot ng COVID-19 ay kukuhanin ng bangko mula sa inilabas na Mandanas ruling kung saan tinaasan ng 40% ang National Tax Allotment (NTA) ng mga lokal na pamahalaan mula sa makokolektang pambansang buwis na lagpas sa koleksiyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR)

Binigyang diin ng alkalde na ayaw talaga niyang mag-akusa at magturo dahil ito ang ayaw na ayaw niya, ngunit hindi biro ang P8 hanggang P11 bilyon.