Isko2

Yorme Isko nag-deploy ng mga nars, doktor, ambulansiya, atbp sa malawakang kilos-protesta

Edd Reyes Sep 21, 2025
327 Views

PINAGHANDAAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang malawakang protesta sa iba’t-ibang lugar sa Maynila upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at kapayapaan ng mga residente at mga lalahok sa rally sa araw ng Linggo.

Ayon sa alkalde, maliit lang na ambag ito ng lokal na pamahalaan sa mga residente ng lungsod na lalahok sa aktibidad at mga magtutungo sa lungsod na sasali sa kilos-protesta laban sa korapsiyon.

Kabilang aniya sa mga hakbang nilang ginawa ang pagde-deploy ng mga doktor, nurses, first responders, ambulansiya, at iba pang mga gamit bilang pagtiyak sa kanilang kahandaan at paglalagay ng mga portalets at water stations sa 14 na itinalagang lugar na pagdarausan ng protest. “May tubig diyan na one to sawa, until supply lasts, for any John Does and Mary,” sabi ng alkalde.

Kabilang sa mga lugar na pinaghandaan ang Postal Bank, Post Office, PLM Roundtable, Katigbak Ninoy Aquino, Museo Pambata, ang service road sa harap ng U.S. Embassy, Mendiola, DBM Ayala Bridge, NPC Center Island, at limang lugar sa Kartilya ng Katipunan.

“Basta sila, kakailanganin ang tulong ninoman, handa ang Lungsod ng Maynila tumulong kaninoman, whether sila ay sibilyan o uniformed personnel,” dagdag ni Yorme Isko.

Nanawagan ang alkalde sa mga lalahok na panatilihin ang katahimikan dahil malaya naman silang makapagsasalita ng kanilang damdamin at iwasan ang makasira ng mga proyekto at mga istraktura ng gobyerno. “Hindi natin kailangan tularan ang asal na hindi maganda na ginawa ng ilang tao sa gobyerno,” paalala ng alkalde.

Binanggit din niya na inaayos na niya ang isyu ng mga kuwestionablent proyekto sa Maynila na minana niya sa nakaraang administrasyon tulad ng de-bateryang Pumping Station sa Damka sa District 6 at isa pa sa Sunog Apog sa District 2 na isang hindi kumpleto at isang hindi pa gumagana.

Nagawa na ring masingil ng alkalde ang mga hindi binayarang kaukulang buwis ng mga contractors ng flood control projects sa lungsod habang may P10.4 milyon pa siyang sisingiling danyos sa mga kompanyang gumawa ng kabulastugan na may nakabimbin ng kasong kriminal.

Tiniyak din niya na susuportahan nila ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa palpak at multong proyekto. “If they will come and visit Manila, they are welcome here, we’ll be happy to assist them,” sabi ng alkalde.