Isko

Yorme Isko nagpakalat ng higit 300 tauhan para sa mga protesta

Jon-jon Reyes Sep 21, 2025
345 Views

Isko1

NAGPAKALAT si Mayor Isko Moreno Domagoso ng mahigit 300 tauhan mula sa Department of Public Safety (DPS), Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Department of Engineering and Public Works (DEPW), Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Manila Health Department (MHD) bilang tugon ng pamahalaang lungsod sa malawakang kilos-protesta kaugnay ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng martial law.

Ayon sa alkalde, mayroong 14 na lugar na inilaan kung saan naka-deploy ang mga doktor, nurse, first responders at standby na ambulansiya upang magbigay ng agarang tulong-medikal kung kakailanganin ng mga raliyista, media, o pulis.

Naghanda rin ang pamahalaang lungsod ng libreng tubig at naglagay ng mga portalet para magamit ng lahat.

Binigyang-diin ni Mayor Isko ang kahalagahan ng maayos at mapayapang pagpapahayag.

“Sa mga sasama sa kilos-protesta, I hope everyone will be safe, malaya kayong makapagsasalita at magpahayag ng damdamin, ngunit maging responsable rin tayong mamamayan. If we are calling out people in the government for their bad behaviors, kailangang maipakita natin na tayo ay may good behaviors, hindi natin kailangang maging katulad ng masasamang tao sa gobyerno,” ani Mayor Isko.