Yorme

Yorme Isko pinangalanan ilanng hepe sa kanyang gobyernong walang tulugan

Edd Reyes Jun 25, 2025
20 Views

PINANGALANAN na ni incoming Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang ilang personalidad na kanyang makakatulong sa pamamahala sa “gobyernong walang tulugan” na magsisinula sa katanghalian ng Lunes, Hunyo 30, 2025.

Bukod kay dating Presidential Communication Office (PCO) Secretary Cesar Chavez na una na niyang ini-anunsiyo na kanyang magiging Chief of Staff, nakatakda na ring maupo bilang Secretary to the Mayor si dating 8th term 3rd District Councilor Manuel “Letlet” Zarcal na ama ng kasalukuyang Councilor Timothy Oliver “Tol” Zarcal.

Manunungkulan naman bilang City Administrator si Atty. Wardee Quintos habang magiging “balikbayan” naman sa dati niyang posisyon si Jay Dela Fuente bilang hepe ng Manila Department of Social Welfare.

Pamumunuan naman ni Dale Evangelista ang Manila Sports Council, si E-Jhay Talagtag bilang hepe ng Manila Public Information Office (PIO) at Hiroshi Umeda sa Public Employment Service Office o PESO.

Magiging hepe naman ng Department of Tourism, Culture, and Arts of Manila si Cristal Bagatsing habang si dating 6th District Councilor Joel Par ang mamumuno sa Barangay Bureu at sa City Personnel Office naman si Jo Quintos.

Dumaan sa masusing pag-aaral at konsultasyon ang ginawang pagpili ni Domagoso sa mga mauupong bagong department heads habang inaasahan na may susunod pang papangalanan ang alkalde sa mga susunod na araw.

Hindi naman nabanggit kung saang puwesto malilipat ang mga career officials na protektado ang pananatili bilang empleyado sa ilalim ng Civil Service Law bagama’t nauna ng binanggit ni Domagoso na hindi niya gagalawin ang mga kawani na seryosong nagtatrabaho at naglilingkod ng tapat sa taumbayan.