Calendar
Personal na nagtungo si Manila Mayor Isko Moreno kahabaan ng Taft avenue sa harap ng Philippine General Hospital upang magsagawa ng declogging operation. Kuha ni JONJON C. REYES
Yorme Isko umapela na i-rehab na Sunog Apog vs baha
UMAPELA si Manila Mayor Isko Moreno sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na isagawa na ang rehabilitasyon ng Sunog Apog pumping station na malaking tulong sa pagpigil ng baha sa tuwing may bagyo.
Sa kanyang ulat kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkules, sinabi ng alkalde na bagama’t patuloy ang kanilang declogging, malaking hamon pa rin sa kanila ang ilang hindi gumaganang pumping stations.
“Now, Mr. Secretary, we would like to inform also, through your help, baka matulungan niyo kami, na ma-guide ang DPWH na hopefully, ’yung mga bagong gawang pumping stations na hindi gumagana, non-operational, unusable, I hope this will get the attention of the respective agency,” pahayag ng alkalde.
Sinabi ng alkalde na bagama’t fully operational ang mga pumping stations na pinangangasiwaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) may mga bagong itinayong pumping stations na hindi pa rin operational o kailangan na ng rehabilitasyon, tulad ng sa Sunog Apog.
Ipinaliwanag niya na sinasalo ng Maynila ang mga tubig baha na galing ng Marikina at Quezon City na dumadaloy sa pinakamalaki nilang ilog na Estero de Sunog Apog na dahilan ng malawak na pagbaha sa lugar na may malaking komunidad.
Gayunman, karamihan naman sa mga lansangan sa Maynila ay inaabot lamang ng gutter deep ang baha na puwede a ring daanan ng lahat ng uri ng sasakyan.
Binigyang-diin din ni Yorme Isko ang kanilang ginagawang hakbang, kabilang inilabas niyang kautusan sa 896 na barangay sa lungsod na magsagawa ng declogging operation tuwing araw ng Sabado.
“We continue to conduct, in our own little way, the declogging of Taft Avenue… Every day, they are guided properly na to augment ’yung maayos na daloy ng tubig,” dagdag pa niya.

