Isko1 Idiniin ni Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Chi Atienza na call sila sa hamon na tuparin ang kanilang pangako na linisin mga lansangan sa Maynila. Kuha ni JONJON C. REYES

Yorme Isko, VM Chi haharapin hamon ng paglinis sa mga lansangan

Edd Reyes Jul 14, 2025
430 Views

HANDANG harapin nina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang malaking hamon sa ipinangakong linisin ang lahat ng lansangan sa lungsod sa lahat ng uri ng sagabal.

Inihayag ito ng alkalde nang bigyan niya ng pagkakataong makapagpaliwanag sa media si Chairman Rodelio Yu ng Barangay 122 Zone 19 sa Tondo makaraang dakpin ng mga pulis bunga ng ilegal na pagpapaputok ng baril.

Depensa ni Yu, napilitan siyang iputok pababa ang lisensiyado at may permit to carry niyang armas matapos siyang sugurin ng isang pamilya sa kanilang lugar na naapektuhan ng isinasagawa nilang paglilinis at pag-aalis ng mga sagabal sa lansangan, batay na rin sa direktiba ni Mayor Isko Moreno.

Ayon sa alkalde, hindi malayong maulit ang ganitong uri ng insidente, lalu na’t nasanay ang karamihan sa mga pasaway na gawin nila ang sa inaakala nila’y tama dahil hindi sila sinasaway ng kinauukulan.

Binanggit pa ni Yorme Isko na hindi lamang ang mga maliliit na nagnenegosyo ang umookupa at sumasalaula sa bangketa at lansangan kundi ilan ding pulitiko na nagtatayo ng imprastraktura sa mismong bangketa at bahagi ng lansangan.

“Pulitiko rin kasi ang may gawa eh, so ang katuwiran ng mga otaw (tao) oh, bakit ang congressman puwede, pag kami hindi,” pahayag ng alkalde.

Tiniyak din ng alkalde na paiimbestigahan niya ang mga imprastraktura, kabilang ang mga barangay hall, na itinayo sa mga bangketa at bahagi ng lansangan, maging sa mga historical site na dapat ay hindi basta nagagalaw lalu’t ginugulan ng milyon-milyong halaga ng salapi ng taumbayan.

“So we, Chi-Chi and I, the Sangguniang Panlungsod and the entire Manila administration today, we are apt for the challenge to keep Manila clean, orderly, that is our job. Sometimes, we are going to face stumbling blocks but we are apt for the challenge, call lang kami,” pahayag pa ng alkalde.

Sa kabila nito, sinabi ng alkalde na handa naman siyang makipag-ayos sa mga pulitiko na gumamit ng kapangyarihan para sakupin ng kanilang mga proyekto ang bangketa at lansangan sa oras na magpasiya silang magpakatino na.