Calendar
Young Guns: Karapatan ng mga Pinoy na magsampa ng kaso
Panawagan ni PBBM vs impeach case nirerespeto
IPINAHAYAG ng Young Guns ng House of Representatives nitong Lunes ang paggalang nila sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na iwasan ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Gayunpaman, binigyang-diin nila na karapatan ng bawat mamamayang Pilipino na magsampa ng impeachment complaint at tungkulin ng mga mambabatas na aksyunan ito kung sakaling may maghain.
Sa isang press conference, sinabi nina House Assistant Majority Leaders Pammy Zamora at Zia Alonto Adiong, kasama si 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, na anumang hakbang na may kinalaman sa impeachment ay kailangang idaan sa tamang proseso alinsunod sa Saligang Batas.
Kinumpirma ni Pangulong Marcos na nagpadala siya ng text message sa kanyang mga kaalyado sa Kongreso na hinihimok silang huwag nang magsulong ng impeachment complaint laban kay Duterte.
Ayon sa Pangulo, ang ganitong reklamo ay walang maidudulot na pagbabago sa buhay ng kahit isang Pilipino at magiging sanhi lamang ng pagkaabala ng Kongreso mula sa mas mahahalagang isyu ng bansa.
“We respect the opinion of the President. Napakalaking bagay noong sinabi niya,” ani Zamora, kinatawan ng ikalawang distrito ng Taguig City. “However, we cannot stop anybody here from filing or any citizen for that matter from taking interest in an impeachment complaint.”
Dagdag niya, “As of today, 11:07 a.m., wala pa akong naririnig, wala pa akong nababalitaan about any complaint. If someone does file, hindi naman namin pwedeng basta na lang upuan. Siyempre, pakikinggan din namin ang sasabihin ng Presidente, but we’ll also have to check the contents of the complaint.”
Nilinaw naman ni Adiong na ang mensahe ng Pangulo ay isang panawagan at hindi isang utos, na nagpapakita ng respeto nito sa kasarinlan ng lehislatibong sangay.
“We value his guidance, pero sabi nga, hindi ‘yun directive. It’s an appeal,” ani Adiong. “And that speaks about the character of the President, respecting the independence of the legislative branch.”
Pinuri rin ni Adiong ang Pangulo sa pag-prioritize ng pambansang interes higit sa personal o pampulitikang usapin, lalo na matapos ang kontrobersyal na pahayag ni Duterte kamakailan na maaaring maging target ng assassin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung siya ay mapatay.
“Despite that, he (President Marcos) was being the leader of the country, being practical about it,” sabi ni Adiong. “The President is prioritizing the concerns of the country, which is basically the problem of ekonomiya.”
Dagdag pa niya, “Ang sinabi niya, it won’t help any single Filipino. That’s how he appreciates the possible filing of an impeachment complaint. He’s putting the interest of the country above self-interest.”
Binigyang-diin naman ni Gutierrez, na isa ring abogado, na ang impeachment ay isang prosesong nakasaad sa Saligang Batas at hindi maaaring balewalain kung may lehitimong reklamo.
“We have to take note, the executive branch is different from the legislative branch,” pahayag ni Gutierrez. “This is a constitutional mandate. The process of impeachment is nasa Constitution natin. Should there be any complaints filed, we are duty-bound to hear it out, check the merits, and give it due process.”
Idinagdag din niya na ang panawagan ng Pangulo ay payo lamang at hindi nakikialam sa kasarinlan ng Kongreso.
“I wouldn’t call it a suggestion—it’s advice, given his wisdom of the situation,” sabi ni Gutierrez. “But I really don’t think that is an order. That’s a different jurisdiction of powers.”
Pinuri rin ni Gutierrez ang administrasyon sa pagpapanatili ng bukas na komunikasyon sa pagitan ng ehekutibo at lehislatibo, na aniya ay isa sa mga lakas ng kasalukuyang pamahalaan.
“Ang kagandahan naman po with the government now is very open lines of communication,” aniya. “When we have comments or opinions, they’re always open to listening, from the President to the Secretaries, all the way down the line.”