Youngguns Makikita (mula kaliwa) sina FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe, Batangas 6th District Rep. Ryan Recto, Tingog Party-list Rep. Andrew Julian Romualdez, at Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel “Javi” Benitez. Source: Tingog Party-list

Young Guns may nakikitang potensyal sa House hotshots

384 Views

MAAARING mas bata at mga bagitong miyembro ng Kamara de Representantes ang mga miyembro ng tinatawag na “Hotshots” bloc pero mayroon umanong nakikitang potensyal sa mga ito ang miyembro ng Young Guns na si La Union Rep. Paolo Ortega V.

Nagpahayag ng kumpiyansa si Ortega sa kakayanan ng mga bagong mambabatas na magserbisyo sa publiko.

“Nakasama namin, actually katabi namin sila ng table. Pogi ‘yung mga bata, ang gagandang lalaki,” biro ni Ortega habang inaalala ang isang kamakailang pagtitipon kasama ang mga baguhang miyembro ng Kamara.

“Actually ang babait nila, saka nag-i-engage talaga sila,” dagdag pa niya.

Kabilang sa Hotshots sina Tingog Party-list Rep. Andrew Julian Romualdez, Negros Occidental Rep. Javi Benitez, FPJ Panday Bayanihan Rep. Brian Poe, at Batangas Rep. Ryan Recto.

“Marami na rin silang plano, not as a group, pero individually,” aniya.

“Kinausap naman nila ‘yung mga ibang Young Guns, kinausap nila, marami silang gustong isulong,” dagdag pa niya.

Si Ortega, ay isang miyembro ng Young Guns, ang mga bagitong mambabatas noong 19th Congress, na aktibong nakilahok sa mga pagdinig at humarap sa media.

“Pero sabi ko nga, sabi ko dun sa mga kasama namin, sabi ko parang mas pogi itong mga ito sa atin ha,” pabirong sambit ni Ortega. “Sabi ko, hindi bale, sabi ko mas malakas naman yung appeal natin.”

Habang pumapasok ang Kamara sa ika-20 Kongreso, sinabi ni Ortega na nananatiling malinaw ang layunin: ipagpatuloy ang mga naumpisahang tagumpay sa nakaraang tatlong taon at magsikap para sa mas malalaking tagumpay.

“Well, ‘yun talaga ‘yung goal mo eh. Siyempre, you’re never satisfied with status quo. Pag nag-set ka ng goals mo, may short-term, mid-term, may long-term goals,” aniya.

Binigyang-diin din niya na ang kombinasyon ng mga baguhan at nagbabalik na mambabatas ay may dalang parehong oportunidad at hamon.

“With the arrival of the new set of congressmen, may mga new breed, may mga come-backing. Siyempre, lahat yan may individual na thoughts, may individual na priorities. So ang sikreto dyan kung paano mo tatahihin para magkaisa kayo lahat at maisulong yung mga policies na sobrang importante,” giit ni Ortega.

Sa isang dinner kamakailan, sinabi ni Ortega na mayroong binitiwang hamon si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga miyembro ng Young Guns.

“Nakita niyo naman, nung nga pong nag-host si Speaker ng dinner with the neophytes, actually, mabigat din po ‘yung pressure sa Young Guns,” ani Ortega.

“Hindi na nga kami tinatawag na Young Guns daw, pero ayaw kong tanggalin eh. Mas maganda na ‘Young Guns’ pa rin. Niloko niya… parang pabiro niya sinabi na… ‘Top Guns’ na dapat, so kailangan mag-level up na,” dagdag niya.

Ang hamong ito na “mag-level up,” ani Ortega, ay hindi lamang para sa mga beterano kundi para rin sa mga baguhan.

“So may challenge din on our part sa mga Young Guns to level up. And syempre alam nyo naman, kami naman dito ‘yung transition ng 19th to 20th Congress, actually excited lahat na bumalik sa trabaho, mag-umpisa na ‘yung 20th Congress.”